246 total views
Ang pangungutang, kapanalig, ay isang survival mechanism ng maraming pamilyang Filipino. Sa liit ng kita ng karamihan sa atin at sa laki naman ng gastusin, lalo ngayon, hindi talaga magkasya ang budget ng maraming mga pamilya. Kahit sabihin pa natin na gamitin muna ang savings, imposible na ang mag-impok para sa marami kasi said ang kaban buwan-buwan.
Para nga magkasya, bawas-bawas na sa gastos ang marami sa atin. Kadalasan, ang pagkain pa ang unang natatapyasan. Kung dati may meryenda pa, ngayon wala na. Kung dati tatlong beses sa isang araw kakain, ngayon dalawa na lang pag swerte pa. Kada luto, halos kanin na lamang at sabaw sabaw na lang ang ulam. Ayon nga sa kasabihan, matutong mamaluktot kung maikli ang kumot. Kaya lamang, kapanalig, sa taas ng inflation ngayon, pati kumot ng ordinaryong Filipino, umiksi na talaga. Bimpo na nga lang ata ang natira. Mukha na lang ang natakpan, sapat na para sa hiyang dinadanas.
Kaya’t iyan, wala nang ibang opsyon ang maraming kababayan natin kundi ang humiram muna ng panggastos. Hiram muna sa kamag-anak, sa kapitbahay, o sa kumpanya. Pag hindi na pwede sa kanila, sa bumbay na o sa mga lending agencies.
May pag-aaral noong 2021 na nagsabi na 7 sa 10 Filipino ang stressed na sa utang. Pinakamataas na antas ito sa hanay ng mga bansa sa Asya at Pasipiko na nasurvey ng pag-aaral na ito. Mas nag-aalala din ang mga Filipino sa kanilang financial situation kumpara sa ibang bansa sa rehiyon. Ang average na antas ng mga nag-aalala sa utang sa rehiyon ay nasa 49% lamang.
Kapanalig, napakahirap mabaon sa utang – at dapat makita ng pamahalaan na ang marami sa mga mamamayan nito ay lunod na sa utang. Kulang na kulang na ang kita ng ordinaryong Pinoy para sa ordinaryong gastusin ngunit hanggang ngayon, wala pa rin tayong marinig na tugon upang maipababa ang presyo ng bilihin. Hindi na nga tayo nagsisibuyas ngayon, pero mukha marami pa rin isasakripisyo ang Pinoy para lamang makabangon.
Ang mahirap sa utang kapanalig ay karaniwang may interes ito, at wala naman inaasahan na darating na malaking pera ang ating mga kababayan upang mabayaran ang mga naunang inutang nila. Kaya para makabayad, uutang ulit sila at uutang pa rin sila. Bawat utang, may interes na sabay na dumating sa iba pa nilang bills o bayarin. Matanda na sila, magreretiro na sila, nagbabayad pa rin ng utang.
Kaya’t napakahalaga ng pagkakaroon ng responsable at responsive na pamahalaan – yung uri ng pamahalaan na dama ang hirap ng bayan. Sabi nga sa Rerum Novarum: The foremost duty of the rulers of the State should be to make sure that the laws and institutions, the general character and administration of the commonwealth, shall be such as of themselves to realize public well-being and private prosperity. This is the proper scope of wise statesmanship and is the work of the rulers. Sana naman, ngayong 2023, kung kailan mas dumidilim ang global economic outlook, maging mas tutok ang gobyerno sa problema ng kahirapan sa ating bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.