177 total views
Positibo si Veritas 846 Senior Political Advisor Prof. Ramon Casiple – Executive Director ng Institute for Political and Electoral Reform na mas magiging makabuluhan na ang pagpapatuloy ng 4th round ng usapang pangkapayapaan matapos ang naging kontrobersyal na pagkakasuspendi dito.
Ayon kay Casiple, dahil sa matatag na posisyon ng pamahalaan sa pagpapatupad ng ceasefire o tigil putukan na nilabag ng rebeldeng grupo sa mga naganap na pag-atake sa iba’t ibang lalawigan ay naipaabot nito ang matatag na posisyon sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa.
“Ang tingin ko ang government is consistent sa stand niya.Then it came out na ang compelling reason pala ni Presidente ay pumayag na kayo sa ceasefire kasi kung ayaw niyong pumayag sa bilateral ceasefire ay wala na, eh pumayag sila kaya natuloy ang 4th round on that basis.”pahayag ni Casiple sa panayam sa Radio Veritas.
Nakahanda na sa ika-2 hanggang ika-6 ng Abril ang 4th round ng peace talks ng pamahalaan at ng CPP-NPA-NDF panels sa The Netherlands na inaasahang tututok sa usapin ng social and economic reforms at mas mahigpit na bilateral ceasefire agreement ng magkabilang panig.
Sa kasalukuyan, nireresolba ng government at cpp-npa-ndf peace panel ang demand ng rebeldeng grupo na libreng land distribution na kapaloob sa kanilang panukalag Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms(CASER).
Kaugnay nito, naitala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasa 62-pag-atake na inilunsad ng grupong New Peoples Army na patuloy na nagsasagawa ng mga pagkilos partikular na sa Agusan del Norte at North Cotabato.
Magugunitang una na ng binigyang diin ng Simbahang Katolika na ang usapin ng kapayapaan at pagkakaisa ay dapat na gawing prayoridad maging sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala at pananampalataya ng bawat isa.