221 total views
Hindi na dapat hintayin ni Davao City vice Mayor Paolo Duterte ang imbitasyon ng Senado hinggil sa pagkakasangkot sa 6.4 billion peso smuggled shabu mula sa China.
Ito ayon kay Archbishop Emeritus Oscar Cruz kaugnay na rin sa pagkakabanggit ng pangalan ng bise alkalde na anak ng Pangulong Rodrigo Duterte sa isinasagawang Senate inquiry na sangkot sa pagpupuslit ng droga.
Sinabi ng Arsobispo na ito ang pagkakataon para linisin ng bise alkalde ang kanyang pangalan.
Paliwanag ng arsobispo, mahalagang linisin ng batang Duterte ang kanyang pangalan lalu’t pangunahing adbokasiya ng Ama ang pagsawata sa illegal na droga sa bansa na siya ring dahilan ng maigting na war on drugs.
Una na ring nabatikos ang Pangulong Duterte sa war on drugs campaign na umabot na sa 13 libo ang napapaslang subalit nakakapuslit naman sa bansa ang tone-toneladang illegal na droga at pagkadawit ng pangalan ng kaniyang anak.
“Pagka’t nakakahiya na ang Tatay nya ay may kinakanta, Siya naman ay iba ang himig. Magkasalungat. So, siya mismo ay dapat lumantad na, magsalita na. Huwag na hintayin ang tawag ng Senado,”pahayag ni Archbishop Cruz.
Sa pagpapatuloy ng Senate inquiry, bagama’t hindi direkta ang transaksyon sa batang Duterte ay ilang ulit na nababanggit ang kaniyang pangalan sa Bureau of Customs scandal na bahagi ng Davao Group base sa testimonya ng fixer/broker na si Mark Taguba.
Sinasabi sa katesismo na ang katotohanan ay isang kabutihan na hindi lamang sa salita kundi sa gawa- at kaakibat nito ang pagbabantay laban sa panloloko at pagpapaimbabaw.