242 total views
Naniniwala ang Commission on Human Rights na mas malaki at mahalaga ang papel na gagampanan ng Simbahang Katolika upang mas maipalaganap sa taumbayan ang kahalagahan ng buhay at karapatang pantao ng bawat indibidwal sa gitna ng patuloy na karahasan sa lipunan.
Apela ni CHR chairperson Jose Luis Martin Gascon, mahalaga ang pagtutulungan ng Simbahan at ng pamayanan tulad na lamang ng pagbubuo ng isang grupo na magsisilbing Human Rights Monitor na magbabantay sa karapatang pantao ng bawat mamamayan.
Bukod dito muli ring nagpaabot ng pasasalamat ang Kumisyon para sa Karapatang Pantao para sa patuloy na pagsusulong ng Simbahan ng Culture of Life at Human Rights laban sa Culture of Death na nangingibabaw sa bansa sa kasalukuyan.
“Well malaki yung papel na gagampanan ng Simbahang Katoliko sa kasalukuyan para ipagbigay alam sa mas nakararami ang usapin ng karapatan, importante na mag-organize kasama ng Simbahan sa mga parokya ng mga Human Rights Monitor at buuin ang pinakamalawak na sabihin natin kilusan ng mga mamamayang magbabantay ng karapatan sa pakikipagtulungan sa Simbahan, maraming salamat sa Simbahan na nagsusulong sa Culture of Life and Human Rights laban sa Culture of Death na nangingibabaw sa kasalukuyan…” pahayag ni Gascon sa panayam sa Radio Veritas.
Unang binigyang diin ni Catholic Bishops Conference of the Philippines President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na mayroong dapat na itama at pagsisihan ang bayan kaugnay sa patuloy na pagdanak ng dugo sa gitna ng Anti-Illegal Drugs Campaign ng Administrasyong Duterte.
Giit ng Arsobispo, may dapat na gawing hakbang ang taumbayan upang manumbalik ang paghahari ng Diyos sa bayan at mawakasan na ang kultura ng patayan na tila muling namamayani sa bansa.
Kaugnay nga nito ay mariin ang naging pagkundina ng Simbahang Katolika sa panibagong naganap na serye ng operasyon ng mga pulis laban sa ilegal na droga sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan halos 32-indibidwal ang naitalang namamatay kada araw.
Batay sa datos ng Philippine National Police noong ika-26 ng Hulyo, umaabot na sa higit 3,450 ang bilang ng napatay sa mga operasyon na isinagawa ng pulisya laban sa iligal na droga na taliwas naman sa tala ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), na aabot na sa 13-libong drug related killings sa buong bansa.