198 total views
Nanindigan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV sa patuloy na pagkakaloob ng “voters education” sa mga botante kahit walang katiyakan ang pagsasagawa ng Barangay at SK Elections sa darating na buwan ng Oktubre.
Ayon kay Bro. Johnny Cardenas – PPCRV Vice Chairman for Internal Affairs, matuloy man o hindi ang halalang Pambarangay ay kinakailangan pa ring malaman at mamulat ang mga mamamayan sa kahalagahan at mga serbisyong ipinagkakaloob ng kanilang mga Barangay at Sangguniang Kabataan sa pamayanan.
Naniniwala rin ang PPCRV na sa ganitong paraan ay mas magiging bukas ang bawat isa sa kanilang maitutulong upang mas maging epektibo ang serbisyo ng bawat barangay.
“Tuloy kami sa aming Voter’s Education, matuloy man o hindi yan itutuloy pa rin namin yung Voter’s Ed (Education) para magkaroon ng awareness pa rin ang mga tao. Dapat malaman pa rin ng mga tao, aware sila kung ano yung mga services, basic services that the Barangay is providing to their constituents at ano ang pwedeng gawin naman ng mga tao para maging effective yung mga barangay nila sa kanilang lugar…”pahayag ni Cardenas sa panayam sa Radio Veritas.
Naunang binigyang diin ng PPCRV na nararapat magmula sa Barangay na itinuturing na pinakamaliit na yunit ng pamamahala sa bansa ang pagbabagong matagal ng hinahangad ng mga mamamayan sa pamamagitan ng ganap na pakikiisa sa mga programa at gawain sa pamayanan lalung lalo na sa pakikilahok sa halalang pambarangay.
Batay sa tala, may higit sa 56.7 –milyon ang bilang ng mga botante sa bansa habang nasa 20.9-milyon naman ang mga kabataang botante para sa Sangguniang Kabataan.