100,069 total views
Mga Kapanalig, itinanggi ng Palasyo ng Malacañang na may education crisis sa ating bansa.
May isang contestant kasi sa isang noontime show na hindi alam kung ano ang COMELEC o Commission on Elections. Sa Q&A portion ng contest na sinalihan niya, tinanong siya kung ano ang mensahe niya sa komisyon. Hindi siya nakasagot dahil hindi raw siya pamilyar sa COMELEC. Naging tampulan ang dalaga ng bashing at online bullying. Kabilang ang mga hosts ng noontime show sa mga nabahala at nagpahiwatig na may educational crisis sa Pilipinas.
Ano naman ang say ninyo, mga Kapanalig?
Ayon sa tagapagsalita ng pangulo, ginagawa ng pamahalaan ang lahat para pahusayin ang kalidad ng ating edukasyon. Kung may isa o iilang hindi nalalaman ang mga simpleng impormasyon katulad ng ibig sabihin ng COMELEC at ng trabaho nito, hindi raw ito indikasyon ng “kakulangan ng ginagawa ng pamahalaan para maiangat ang lebel ng ating edukasyon.” Dagdag pa ng Palasyo, nasa bawat isa na sa atin ang tungkuling mag-aral, magsaliksik, at mangalap ng kaalaman. Sa tulong ng teknolohiya, napakadali na raw na maging maálam ng mga tao.
Ang naturang contestant ay 20 anyos na. Kabilang siya sa tinatawag na Generation Z o mga kabataang ipinanganak sa pagitan ng 1997 at 2012, at ngayon ay edad 13 hanggang 28 na. Minsan na nating tinalakay sa isang editoryal na ang mga Gen Z ang bumubuo sa pinakamalaking bahagdan ng mga botante sa darating na eleksyon. Sa 69.9 milyong rehistradong botante, 34% (o 25.9 milyon) ay kabilang sa Gen Z. Ganoon po sila karami.
Ilan kaya sa ating mga Gen Z ang katulad ng beauty contestant na boboto sa darating na eleksyon, pero hindi naman alam kung aling opisina ng gobyerno ang nangangasiwa ng halalan? Ilan kaya ang bumoboto nga, pero hindi naman nauunawaan kung paano natitiyak na nabibilang ang kanilang boto? Ilang Gen Z kaya ang nagparehistro sa COMELEC para lamang makakuha ng voter’s ID, pero hindi naman batid kung ano ang trabaho ng komisyon at gaano kaimportante ito?
Sa eskuwelahan nagsisimula ang kaalaman tungkol sa mga ganitong bagay. Sa dami ng impormasyong bumubuhos sa social media ngayon, kakaunti lamang sigurado ang tumatalakay sa mga seryosong paksa, gaya ng eleksyon. Halos lahat ng Pilipino ay may access sa internet, pero hindi naman natin maasahang sila mismo ang kusang mag-aaral, gaya ng sinasabi ng Palasyo. Sinasabi namang bahagi ng curriculum sa mga pampublikong paaralan ang tungkol sa eleksyon, pero mukhang kailangan pang paigtingin ang pagtuturo ng mga tungkuling kaakibat ng ating pagiging mamamayan o citizens ng ating bansa. Napakahalaga nito lalo na’t gaya ng sinabi natin, ang kabataan ang bumubuo sa pinakamalaking bahagi ng ating voting population. Sa hinaharap, sa kanila rin magmumula ang mga magpapatakbo ng ating gobyerno.
Sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan naman, nakasalalay sa pamilya ang edukasyon ng kabataan. Pero batid ng Santa Iglesia ang mga limitasyon sa papel na ito ng pamilya, kaya mahalaga ang pagtutulungan nila at ng mga eskuwelahan. Dahil naniniwala din tayong ang isang Katoliko ay isang mabuting mamamayan, may papel din ang Simbahan sa paghubog ng mga kabataang Katoliko na may pakialam sa mga nangyayari sa lipunan. Sa madaling salita, tulung-tulong ang iba’t ibang institusyon sa pagtitiyak na ang kinabukasan ng ating bayan ay maalam, matalino, at mulát.
Mga Kapanalig, may krisis man o wala sa sektor ng edukasyon, ituro nating mga nakatatanda “sa bata ang daang dapat niyang lakaran,” wika nga sa Mga Kawikaan 22:6. Nakatatawa o nakababahala man ang nangyari sa dalagang contestant, nabuksan sana nito ang ating mga mata sa kalagayan ng edukasyon sa ating bansa.
Sumainyo ang katotohanan.