100,847 total views
Mga Kapanalig, walang patumanggang ganid ang uubos sa likas-yaman ng isla ng Palawan, ang tinaguriang “last ecological frontier” ng ating bansa.
Tatlong obispo sa isla ang sama-samang naglabas ng isang liham-pastoral para ipaalam sa publiko, lalo na sa ating gobyerno, ang bantang kinakaharap ng napakayaman at napakagandang isla. Sila ay sina Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, Taytay Bishop Broderick Pabillo, at Taytay Bishop-emeritus Edgardo Juanich.
Nakaaalarma ang mga datos na inilatag ng ating mga pastol ng Simbahan sa kanilang sulat.
Noong 2016 pa nang magbigay ang Department of Environment and Natural Resources (o DENR) ng special tree-cutting permit sa isang mining company. Aabot sa halos 28,000 na puno ang puputulin para bigyang-daan ang isang mining project. Madadagdagan ito ng 8,000 na puno, kung aaprubahan ito ng DENR. Sa isa pang lugar sa Palawan, 52,000 na puno ang puputulin. Inaprubahan na ito ng DENR. Para daw ito sa pagmimina ng nickel.
Mula sa magkabilang dulo ng probinsya, may 67 na exploration permits na inilabas ang ahensya ng gobyernong dapat nangangalaga sa ating kalikasan. Kung maisasakatuparan ang mga ito, mahigit 200,000 ektaryang kagubatan ang kakalbuhin. Kasinlaki ito ng tatlong Metro Manila! Ganoon po kalaki at kalawak ang mangyayaring deforestation para lamang sa pagmimina. Bukod pa ito sa labing-isang mining projects na nag-o-operate ngayon sa Palawan. Ang kabuuang sukat ng lupang saklaw ng kanilang Mineral Production Sharing Agreements ay halos 30,000 ektarya.
Alam nating lahat ang pinsalang idinudulot ng pagmimina. Kapag walang mga puno, aanurin ang lupa ng ulan at baha. Malalagay sa panganib ang mga komunidad na dadaluyan nito. Lason din sa mga ilog at iba pang anyong-tubig ang lupang aanurin sa mga ito. Pati ang mga tao ay pwedeng magkasakit. Madudumihan ang mga dalampasigan, masisira ang mga bahura o corals na tahanan ng mga lamang-dagat, at kalaunan, mawawalan ng kabuhayan ang mga kababayan nating umaasa sa pangingisda. Ang mga epektong ito, giit ng mga obispo, ay “irreversible” o hindi na mababaliktad. Hindi na maibabalik ang nasirang kalikasan, kahit anong tree-planting o coastal cleanup ang gawin ng mga kompanya at gobyernong kita (o profit) lamang ang prayoridad.
Kaya nananawagan sina Bishop Mesiona, Bishop Pabillo, at Bishop-emeritus Juanich na magpatupad ang pamahalaang panlalawigan ng Palawan ng mining moratorium sa buong isla. Dalawampu’t limang taóng tigil-mina ang hiling nila.
Sa dami ng iniintindi natin sa araw-araw, lalo na ngayong Kapaskuhan, tiyak na hindi natin mabibigyang-pansin ang mga isyung pangkalikasan, gaya ng mga binanggit ng mga obispo sa Palawan. Hindi nga binibigyan ng mahabang oras sa mga balita ang mga ganitong usapin. Natatabunan ang mga ito ng mabababaw na content sa social media, na mas tinatangkilik ng mga naghahanap lang ng libangan. Unti-unti, mas nawawalan ng pakialam ang publiko sa pagkasira ng kalikasan. Ito naman ang nagpapalakas ng loob ng mga sakim sa kita. Kakaunti o halos wala naman kasing umaalma sa atin kaya tuluy-tuloy ang pagsira sa kalikasan. Ang mas malungkot pa, nabubusalan din ang mga nasa gobyerno. Sila pa nga ang nagpapahintulot sa mga negosyong sumisira sa mga bundok, ilog, at dagat.
Sa Levitico 25:23, ipinaaalala sa ating hindi natin maipagbibili nang lubusan ang lupain sapagkat ang Diyos ang may-ari nito. “Pinatitirhan ko lamang sa inyo [ito],” wika ng Panginoon. Gamit ang ating katalinuhan, paalala naman sa Catholic social teaching na Laudato Si’, tungkulin ng taong respetuhin ang batas ng kalikasan at panatilihin ang balanseng umiiral sa lahat ng nilalang ng Diyos. Hindi natin magagampanan ito kung wala tayong pakialam sa kalagayan ng kalikasan.
Mga Kapanalig, pakinggan sana ang panawagan ng mga obispo ng Palawan. Dumami pa sana ang mga makasama nila.
Sumainyo ang katotohanan.