185 total views
Isang malaking hamon ang pamumuhay bilang isang Kristiyano.
Ito ang binigyang diin ni Diocese of Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias sa ika-33 kapistahan ng Ina ng Buhay Parish, kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ng mahal na Birheng Maria noong ika-8 ng Septyembre.
Ayon sa Obispo, hinihiling ng Panginoon sa mga mananampalataya ang buong paglilingkod sa Kan’ya na kaakibat ang pagtalikod sa yaman at sariling pamilya.
Ipinaliwanag ng Obispo, na ang kahulugan ng kahilingang ito ay ang paglalagay sa Diyos bilang prayoridad sa buhay.
“Tayong mga filipino na family oriented, sinasabi nya na maski na ang ating pamilya ay sekondaryo lang kay Hesus na dapat maging sentro ng ating buhay. Napakahirap talikuran ng ating pamilya, lalo na kapag nangangailangan, kung ikaw ay tumutulong sa iyong pamilya ikaw ay tumutulong sapagkat dahil sa kanya.” pahayag ni Bishop Tobias.
Aminado din ang Obispo na isa rin sa pinakamahirap talikdan ay ang yaman na ibinibigay ng mundo sa tao.
Tinukoy ni Bishop Tobias ang maraming tao na binigyan ng pagkakataong manungkulan sa pamahalaan at magserbisyo sa bayan, subalit sa kasamaang palad ay nilalamon ito ng sistema ng kayamanan at kapangyarihan kaya hindi nagagampanan ang tunay na misyong iniatas ng Panginoon.
Dahil dito, nanawagan si Bishop Tobias na tularan ang kapayakan ng buhay ng Mahal na Birheng Maria na hindi namuhay sa karangyaan at inialay ang kan’yang sarili sa pagsunod sa kalooban ng Diyos.
“Pamilya, kayamanan ang pagtalikod sa mga bagay na yan ay parang pakikipagdigmaan at tinitignan kung makakaya mong lipulin ang mas madami sayo. Ang buhay kristiyano ay isang hamon at yan ay pinakita sa atin ng ating Mahal na Birhen. S’ya ang ina ng tunay na buhay ang buhay ng karangyaan ay hindi tunay na buhay at yan ang kan’yang sinasabi.” Dagdag pa ni Bishop Tobias.
Kaalinsabay ng pagdiriwang ng taon ng mga Kabataan, pinaalalahanan din ng Obispo ang mga ito na kailan man ay hindi magiging madali ang pamumuhay bilang Kristiyano.
Binigyang diin nito na laging kaakibat ng buhay Kristiyano ang mga pagsubok at pagpapasan ng krus ni Kristo.
Subalit tiniyak ng Obispo na sa oras ng mga suliranin ay hindi kailanman lalayo ang Diyos sa tao.
“Kailangan malaman ninyong mga kabataan na hindi pwedeng mabuhay kayo na libre sa lahat ng nga ligalig. Hindi! Sabi N’ya kasama nyo Ako sa lahat ng mga pinapapasan ko sa inyo ngayon. Ang krus ng buhay, hindi natin pwedeng iwan, kun’di kasama ng ating Panginoon, dalhin ng talagang maluwalhati ang kanyang pinadadala.” Pahayag ni Bishop Tobias.
Taong 1986 nang maitatag ang simbahan ng Ina ng Buhay Parish, samantala, ika-26 ng Septyembre taong 1994 naman nang pormal itong maideklara bilang isang parokya.