185 total views
(Photo by Marnel Sibayan Lina)
Hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang mga mananampalataya na suportahan ang nalalapit na telethon ng YSLEP o Youth Servant Leadership and Education Program ng Caritas Manila sa ika–6 ng Hunyo Lunes.
Ayon kay San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman ng komisyon, pagkakataon ang naturang telethon upang matulungan ang mga kapus–palad na mga estudyante na naghahangad makapagtapos ng pag – aaral at matulungan ang kanilang pamilya.
Dagdag pa ni Bishop Mallari malaki ang naia-ambag na tulong ng YSLEP sa 5,000 nitong mga iskolar lalo na sa mga indigenous peoples at mga Muslim na estudyante.
“Inaanyayahan po namin kayo na sana ay suportahan natin ang telethon na gagawin po ng Caritas Manila sa Radio Veritas para makabuo ng P5 million para masuportahan po ang 5,000 scholars natin sa buong Pilipinas. May mga scholars po tayong mga Muslims rin at mga IPs mga kapatid nating na nasa laylayan ng ating lipunan na nangangailangan po ng ating tulong. Malaki pong bagay ang maitutulong natin sa buhay ng mga batang ito. Sana po magsama – sama tayo para sa ganun ay matulungan po natin itong mga estudyante natin na natutulungan po ng Caritas Manila. God bless you po sana ay lagi pa kayong biyayaan ng Panginoon sa inyong kabutihang loob,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mallari sa panayam ng Veritas Patrol.
Isasagawa ang telethon sa Lunes mula alas – 6 ng umaga hanggang alas – 6 ng gabi, target nito na makalikom ng P5 milyong piso para masuportahan ang isang taong pag – aaral ng 5,000 nitong iskolar sa buong bansa.
Nabatid na nasa 10,000 na ang napatapos ng YSLEP o mas kilala noon bilang Educational Assistance Program o EAP ng Simbahang Katolika na humuhubog sa moral ng mga kabataan bilang mga susunod na lingkod bayan.