370 total views
Lubhang ikinalungkot ni Brooke’s Point, Palawan Mayor Maryjean Feliciano ang one-year suspension order na iginawad sa kanya ng Office of the Ombudsman.
Ito’y dahil sa kanyang mariing pagtutol sa pagmimina ng kumpanyang Ipilan Nickel Corporation (INC) sa Barangay Maasin, Brooke’s Point, Palawan, kung saan nagdudulot na ng pangamba at panganib hindi lamang sa kalikasan, kundi maging sa kaligtasan ng mga residente.
Ayon kay Mayor Feliciano, ginagampanan lamang niya ang kanyang tungkulin bilang alkalde ng munisipalidad, gayundin ang pagpapatupad at pagsunod sa mga batas na makabubuti para sa kaligtasan ng kanyang nasasakupan.
“Alam ko po na tama ang aking ginawa. Ang aking pinili ay ‘yung kabutihan ng lahat. Hindi kabutihan ng isang minahan, kundi ang kabutihan ng ating mga kababayan na siyang nagluklok sa akin sa posisyon. Lahat po ng aking ginawa, sa aking pagkakaalam ay ayon sa batas at ayon sa aking kapangyarihan na ibinigay ng local government code,” pahayag ni Mayor Feliciano sa panayam sa Barangay Simbayanan.
Iginiit ng alkalde na wala ring maipakitang Mayor’s Permit ang INC na agad nang nagsimula ng proyekto kahit na ito’y wala pang pagpapahintulot mula sa lokal na pamahalaan.
“Kaya umaksyon ang LGU sapagkat sila ay nago-operate nang walang Mayor’s Permit. Gumawa sila ng mga kalsada, namutol ng napakaraming puno nang walang building permit, [at] nagbakod ng kanilang lugar nang walang fencing permit,” saad ni Mayor Feliciano.
Dagdag pa ni Mayor Feliciano na binigyan rin nila ng pagkakataon ang kumpanya na ayusin ang mga kaukulang dokumento ngunit kahit isang beses ay wala itong ipinakita at hindi nakipag-ugnayan nang maayos.
“Mayroon po tayong first notice of violation, may due process po. Binigyan po natin sila ng pagkakataon na mag-comply pero ‘yun nga po, kahit sumubok man lang na mag-file ng Mayor’s permit ay hindi po nila ginawa,” dagdag ng alkalde.
Samantala, katuwang naman ng lokal na pamahalaan ang Alyansa Tigil Mina sa pagbabantay upang hindi tuluyang masira ng pagmimina ang maganda at mayamang kagubatan ng Brooke’s Point, gayundin ang pagbibigay ng suporta para sa mga residenteng apektado ng proyekto.
Suportado rin ng grupo ang adbokasiya at ipinaglalaban ni Mayor Feliciano na layong mapigilan at masolusyunan ang suliranin ng pagmimina sa lugar upang mapanatili ang kalikasan at maiwasan ang pangamba sa buhay ng mga residente.
“Alyansa Tigil Mina will continue to monitor this situation and provide support and assistance to the farmers and indigenous peoples in Brooke’s Point, as they stand to protect their forests, their livelihoods and their lives. We stand firmly side-by-side with Mayor Jean, and all other local chief executives that challenge irresponsible and destructive mining in their areas,” pahayag ng Alyansa Tigil Mina.
Nakasaad sa Laudato Si ni Pope Francis na mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng komunidad upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan.