155 total views
Nanindigan ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa pagbibigay suporta at paghahanap ng katotohanan sa kinahaharap na kasong sedisyon ng 35-indbidwal na kinabibilangan ng ilang mga opisyal ng Simbahang Katolika.
Sa opisyal na pahayag na nilagdaan ni Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Dr. Maria Julieta Wasan, tiniyak ng mga layko mula sa iba’t-ibang diyosesis sa buong bansa ang paninindigan para sa mga Obispo at pari ng Simbahang Katolika na inuugnay sa sinasabing planong destabilisasyon laban sa kasalukuyang administrasyong Duterte.
“WE, the Sangguniang Laiko ng Pilipinas (Council of the Laity of the Philippines), together with all its Arch/Diocesan Councils of the Laity and National Lay Oganizations in the Philippines, STAND WITH OUR BISHOPS FOR TRUTH, JUSTICE AND PEACE!” bahagi ng opisyal na pahayag ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas.
Iginiit ni Wasan na ang mga Obispo at Paring pinaparatangan at kabilang sa mga kinasuhan ng sedition case ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ay puspusang nagsusulong at naninindigan para sa katotohanan, katarungan at kapayapaan sa bansa.
Dahil dito, mahalaga aniyang magkaisa ang bawat layko sa pagbibigay suporta at paghahanap ng katarungan at katotohanan sa mga lingkod ng Simbahan na inuusig ng pamahalaan.
Tiniyak ni Wasan na hindi kailanman mananaig ang kadiliman at kasinungalian sa katotohanan at kaliwanagang hatid ng Panginoon para sa bawat isa.
“The recent allegations hurled towards our Bishops and other priests and individuals who have always stood for truth, justice and peace, and the purposes behind such attempts will never prosper. Truth, Justice and Peace will!” pahayag ni Wasan.
Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas ay binubuo ng lahat ng mga Council of Laity mula sa may 86 na diyosesis at arkediyosesis sa buong bansa bukod pa sa mahigit 50 Affiliate National Lay Organizations nito sa buong bansa.
Kabilang sa 35-indibidwal sa sinampahan ng sedition case ng PNP-CIDG ay sina Vice President Leni Robredo at ilang mga opisyal ng Simbahan kabilang na sina CBCP Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Former CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr., Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Robert Reyes at Jesuit Priest na si Fr. Albert Alejo.
Nauna na ring ipinagtanggol ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President Davao Archbishop Romulo Valles ang ilang obispo at pari sa pagkakasangkot sa nasabing kaso at ipananalangin ang pag-iral ng katarungan at katotohanan sa lipunan.
Read: CBCP, ipinagtanggol ang mga Obispo at Paring isinasangkot sa sedition case