14,952 total views
Itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco ang dalawang Cebuanong pari sa mga tanggapan ng Holy See sa magkakaibang lugar. Inihayag ng Archdiocese of Cebu ang pagtalaga ni Pope Francis kay Msgr. Jan Thomas Limchua bilang Counselor of the Apostolic Nunciature ng Kingdom of The Netherlands habang Attache ng Apostolic Nunciature of Ivory Coast naman si Fr. Hezron Jhud Cartagena.
Matatandaang noong 2020 nang manilbihan si Msgr. Limchua bilang opisyal ng Section for the Relations with States sa Vatican sa ilalim ng Secretariat of State of the Holy See at naging Papal Chaplain.
Sinabi ni Archdiocese of Cebu Spokesperson Msgr. Joseph Tan na ang pagtalaga ni Pope Francis ng mga Pilipinong pari ay indikasyon ng lubos na pagtitiwala ng santo papa sa kakayahan ng mga Pilipinong mangasiwa at maging misyonero sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nagsimula si Msgr. Limchua sa diplomatic service noong Setyembre 2014 at naglingkod sa Apostolic Nunciature ng Benin at Togo sa West Africa at sa Egypt. Nagtapos ang pari ng kanyang Theological studies sa Faculty of Theology sa University of Navarre sa Pamplona Spain habang ang kanyang doctorate in Canon Law naman sa Pontifical Lateran University sa Roma.
2010 naman ng maordinahang pari si Msgr. Limchua sa Arkidiyosesis ng Cebu at sumailalim ng diplomatic formation sa Pontifical Ecclesiastical Academy, ang Diplomatic school ng Vatican.
Si Fr. Cartagena naman ay nagtapos ng kanyang missionary year sa Brazil kung saan ang kanyang pagkakatalaga sa Ivory Coast ay tanda ng pagiging opisyal na kasapi ng Diplomatic Service ng Vatican. Sina Msgr. Limchua at Fr. Cartagena ang ikatlo at ikaapat na pari ng Cebu na nanilbihan sa diplomatic service ng simbahan kasunod ng magkapatid na sina Apostolic Nuncio Emeritus of Korea Archbishop Osvaldo Padilla at Apostolic Nuncio to Guatemala Archbishop Francisco Padilla.