152 total views
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na naging mapayapa sa pangkalahatan ang May 9, 2016 local and National Elections.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, mas kakaunti ang naitalang election-related violence ngayong taon kumpara noong nagdaang 2010 at 2013 elections.
Isa sa dahilan ayon kay Bautista ay ang pagsulong ng mga Pilipino sa tamang direksyon at ang pag-concede ng mga natalong kandidato sa nagdaang eleksyon.
Hinihimok naman ng Comelec ang lahat na buhayin at panatilihin ang tradisyon na pag “concede” at tanggapin ang pasya ng taong-bayan.
“Kung titingnan mo ang election-related violence ngayon, mas kakaunti kasya dati, hopefully nag e-evolve ang Pilipinas, ang mga Pilipino na tayo pumupunta sa tamang direksyon, isa pa yung pag-concede ng ibang kandidato maganda ring nakita natin yan, sa aking palagay dapat nating buhayin ang tradisyon na yan at panatilihin, pag natalo tanggapin ang pasya ng bayan mag move on na” pahayag ni Bautista sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa ulat ng Armed Forces of the Philippines National Election Monitoring Center noong May 9 ng 2:00 pm, 22 election- related incidents ang naitala kung saan 10 ang nasawi at 3 ang nasugatan kumapara naman noong 2013 na nasa 64 ang nasawi; 54 ang nasugatan na naitala naman mula January hanggang April ng nasabing taon.
Kaugnay nito, inihayag ng Comelec na mas kakaunti rin ang mga makina na nagka-problema ngayong halalan kumpara sa mga nagdaang eleksyon kayat maganda ang naging resulta.
Ayon kay Bautista, sa mahigit 2,300 na nagka-abereyang Vote Counting Machines ngayon, maliit lamang itong bahagi kumpara sa mahigit 92,000 na ginamit na VCM.
“Hinahambing ko performance nito noong 2013, totoo marami ring aberya, 2,300 plus nagkaroon ng aberya, pero dapat nating tingnan yan sa pangkalahatan litrato we used 92,000 VCM, hindi ganun kasama ihahambing noong 2010 at 2013 mas kakaunti ito.” Ayon kay Bautista
Pahayag pa ni Bautista, isa pang dahilan ng mapayapang eleksyon ay ang paglagda sa mga peace covenant ng mga kandidato, kasama ang ibat-ibang grupo at lokal na pamahalaan at mga obispo na kinakailangan na maipagpatuloy sa mga susunod na halalan.
“Isang maganda ring ginawa ng Comelec, yung paglalagda ng mga peace covenant, ng mga kandidato kasama mga kaparian ,local leaders, mga oibispo, lumalagda sila para sa kapayapaan sa halalan, dapat nating i-encourage sa mga susunod na halalan.” Ayon kay Bautista