376 total views
Ang halalan ay isang paraan ng paggawa ng tadhana o kinabukasan ng bansa.
Ito ang paalala ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) kaugnay sa nakatakdang 2022 National and Local Elections sa susunod na taon.
Ayon kay Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm., Co-Executive Secretary ng AMRSP, ang halalan ay hindi lamang isang mahalagang sangkap ng demokrasya ng bansa kundi isang pagkakataon rin upang sama-samang gumawa ng bagong tadhana ang mamamayan sa pamamagitan ng pagsusulong ng pagbabago.
Pagbabahagi ni Fr. Buenafe, mahalaga ang halalan na magtatakda sa magsisilbing pangulo at pangalawang pangulo ng bansa para sa susunod na anim na taon.
“Tayo ang gagawa ng ating tadhana, tayo ang gagawa ng ating kwento, sino ang gusto nating maging leader in the next six years but how can you do that if you don’t go out and vote, but how can you vote if you are not registered,” pahayag ni Rev. Fr. Buenafe sa panayam sa Radio Veritas.
Giit ng Pari, mahalagang magparehistro ang bawat isa upang makaboto sapagkat ang pagboto ay sagradong obligasyon o responsibilidad para sa bayan at maging para sa susunod pang henerasyon.
Paliwanag ni Fr. Buenafe, kaakibat ng free will o kalayaan na ipinagkaloob ng Panginoon ay ang tuwinang pagsusulong ng common good o ang ikabubuti ng mas nakararami.
“So please please nakikiusap ako sa mga nakikinig sa atin sa Veritas, sa mga may bahay, pamilya, mga kabataan karapatan natin ito sabi nga magparehistro na kasi your vote is your sacred right, obligasyon mo ito, ibinigay ng Diyos ang free will to choose who will be our leaders,” dagdag pa ni Fr. Buenafe.
Una ng binigyang diin ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi na palalawigin pa ng ahensya ang deadline ng voters registration na nakatakdang magtapos sa ika-30 ng Setyembre, 2021.
Batay sa inisyal na tala ng COMELEC, sa mahigit 61-milyon na bilang ng mga rehistradong botante sa kasalukuyan, 5.7-milyon dito ang mga new registrants.