242 total views
Pinakiusapan ng Archdiocese of Cotabato ang Department of Agriculture na ibigay na ang “calamity assistance” na kinakailangan ng mga magsasaka sa Mindanao.
Ayon kay Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo, hindi na kinakailangan pang maulit ang insidenteng nangyari sa mga magsasaka sa Kidapawan sa iba pang mga magsasaka sa bansa dahil dapat ng tugunan at seryosohin ng gobyerno ang suliraning kinakaharap ng mga magsasaka.
“Napakahalaga na ang ating pamahalaan ay tugunan ng karapat – dapat yung mga pangangailangan ng ating mga kababayan. Sana at pakiusap ko na wag nating hayaang mangyari muli yung nangyari sa Kidapawan sa ibang mga lugar kung saan kinakailangan tugunan na ng ating pamahalaan ang pangangailangan ng karamihan ay mga magsasaka,” bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Veritas Patrol
Panawagan pa ni Bishop Bagaforo na maliban sa bigas ay mas kinakailangan ng mga magsasaka ang mga agricultural inputs, seedling at fertilizers upang kaharapin ang matinding El Nino sa kanilang sakahan.
“Yan dapat ay mai – release na nila ang pondo para sa calamity fund ng biktima ng El Nino yung maliban sa pagkain na bigas ay yung kailangan nila na puhunan para sa kanilang pagsisimula muli na makakatulong sa ating mga magsasaka, halimbawa mga seedling, fertilizer.Kinakailangan na matulungan talaga ng ating pamahalaan yung farmers natin pagdating ng araw ng pagtanim yung kanilang agricultural inputs, seedling at fertilizers,” panawagan ni Bishop Bagaforo sa Department of Agriculture.
Patuloy naman na naapektuhan ng tag – tuyot ang nasa dalawamput walong libong magsasaka sa Davao del Sur matapos gumastos ng P2.6 milyong piso ang Department of Agriculture sa Southern Mindanao para sa cloud seeding.