4,168 total views
Umaabot na sa 359 na bilyong piso ang nakolektang buwis ng Bureau of Customs sa loob ng unang limang buwan ng taon 2023.
Iniulat ni Custom Commissioner Bienvenido Rubio, sa buwan ng Mayo, 77 bilyong piso ang nakolekta ng ahensya mula sa inaasahang 72 bilyong piso na mas mataas ng 17 porsiyento kumpara sa nakolekta noong nakalipas na taon sa parehong buwan.
Sa ulat, mula Enero hanggang Mayo nasa kabuuang 359.175 billion pesos, o higit sa P13.232 billion pesos mula sa itinakdang target collection na 345.943 billion pesos. Ito ay mas mataas din P38.661 bilyon kumpara sa nakolekta sa unang limang buwan ng 2022. Naunang inihayag ni Rubio ang pagpapatupad ng five-point priority program upang mas maging epektibo ang tanggapan sa mandato nito.
Kabilang na ang pagpapaigting ng ahensya sa pagmamanman sa mga warehouse kung saan itinatago ang naipupuslit na produkto; digitalization ng proseso, pina-igting na pakikipag-ugnayan sa iba pang mga ahensya na kinukuhanan ng permit para sa mga ipapasok na produkto, at pagbibigay ng mga kasanayan sa mga tauhan ng BOC.
Una na ring inihayag ng Santo Papa Francisco na mahalaga ang nakokolektang buwis na siyang ring ginagamit ng bawat pamahalaan sa pagbabahagi ng serbisyong inihahatid sa bawat pamayanan, lalo na sa mga nangangailangan.