5,580 total views
Tiniyak ni Senator Risa Hontiveros ang pagbabantay sakaling tuluyang maipatupad ang Maharlika Investment Fund.
Ayon sa mambabatas, busisiin nito ang ilalathalang probisyon upang matiyak na ligtas ang pension funds ng mga Pilipino.
“I will be waiting for the IRR and will be watching intently to ensure that the prohibitions we put in place and the wins we were able to secure during the plenary deliberations are not lost.” ani Hontiveros.
Binigyang diin ni Hontiveros na mariin nitong tinutulan ang paggamit sa pension funds ng mga Pilipino para sa pamumuhunan sa Maharlika.
Matapos ang bicameral conference noong May 31, napagkasunduan ng dalawang kapulungan na gamitin ang bersyon ng Senado sa Maharlika Invest Fund.
Sinabi ni Albay Representative Joey Salceda na kasunod nito ay maaring magbalangkas ang executive branch ng rules and regulations para sa batas.
Sa panukala nilinaw din na hindi gagamitin ang pondo ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), or Home Development Mutual Fund (HDMF) sa pamumuhunan taliwas sa naunang plano.
“I am happy that the public has been heard and pension and social welfare funds are protected from the reach of the Maharlika fund.” dagdag ni Hontiveros.
Sa ilalim ng panukala nasa 500-bilyong piso ang capital stock na may common shares na 3.75 billion pesos mula sa national government at mga ahensya maliban sa SSS, Philhealth, GSIS, Pag-IBIG Fund, OWWA at Philippine Veterans Affairs Office.
Bukod pa rito ang tig 50-bilyong piso ng Landbank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.
“Ako din po ay nagmungkahi ng mga amyenda na nilalagyan ng parusang kulong para sa mga may masamang balak sa pondo, kasama ang mga auditor na mag-falsify ng mga audit report.” ani Hontiveros.
Gayunpaman nanindigan si Hontiveros na hindi na napapanahon ang pagpatupad ng MIF sa bansa at inihayag na suportado ang mga grupong tututol nito sa Korte Suprema.
Una nang sinabi ni EDSA Shrine Rector at CBCP Public Affairs Executive Secretary Fr.Jerome Secillano na dapat paigtingin ng pamahalaan ang existing programs sa kapakinabangan ng mga Pilipino sa halip na isulong ang kaduda-dudang Maharlika Investment Fund.
READ: https://www.veritasph.net/opisyal-ng-cbcp-nangangamba-sa-mif/