LINGGO, HUNYO 11, 2023

SHARE THE TRUTH

 2,292 total reads

Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (A)

Deuteronomio 8, 2-3. 14b-16a
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20

Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.

1 Corinto 10, 16-17
Juan 6, 51-58

Solemnity of the Body and Blood of Christ (White)

UNANG PAGBASA
Deuteronomio 8, 2-3. 14b-16a

Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa mga tao: “Alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang matuto kayong magpakumbaba. Sinubok niya kayo kung susundin ninyo siya. Tinuruan nga kayong magpakumbaba; ginutom niya kayo bago binigyan ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Ginawa niya ito upang ipakilala sa inyo na ang tao’y hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi sa salita rin naman ng Panginoon.

“Huwag ninyong kalilimutan ang Panginoon na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin ng bansang Egipto. Siya ang pumatnubay sa inyo sa inyong paglalakbay sa malawak at nakatatakot na ilang na puno ng makamandag na mga ahas at alakdan. Nang wala kayong mainom, nagpabukal siya ng tubig mula sa isang malaking bato. Kayo’y pinakain niya roon ng manna, isang pagkaing di ninyo kilala.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20

Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.

o kaya: Aleluya.

Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon,
purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion.
Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.

Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.

Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo,
bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo.
Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.

Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.

Kay Jacob n’ya ibinigay ang balita at pabilin,
ang tuntuni’t mga aral, ibinigay sa Israel.
Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin ang Panginoon!

Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 10, 16-17

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, hindi ba’t ang pag-inom natin sa kalis ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Kristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinaghahati-hati ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? Kaya nga, yamang isa lamang ang tinapay, tayo’y iisang katawan bagamat marami, sapagkat nakikibahagi tayo sa iisang tinapay.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT TUNGKOL SA MABUTING BALITA

Purihin mo, Lungsod ng D’yos,
ang Pastol na Manunubos,
ang Panginoong si Hesus.

Sa abot ng kakayanan
ng lahat ng kanyang hirang,
siya’y dapat papurihan.

Ang sarili niya’y handog
upang lahat ay matubos
at mapalakas nang lubos.

Kasalo’y mga alagad
ng Panginoong Mesiyas
na hai’y buhay sa lahat.

Siya’y dapat na handugan
ng papuri at parangal
ng lahat ng kanyang hirang.

Ngayo’y ating gunitain
ang Huling Hapunang bilin
ng Panginoon sa atin.

Dito naganap ang tipan
na bago at walang hanggan
sa kaligtasan ng tanan.

Ang kasunduang matanda
humantong sa pasinaya
ng hain n’yang inihanda.

Tanang ginanap ni Hesus
ay habilin niyang utos
na ipagdiwang nang lubos.

Ang handog niyang pagkain
at alay niyang inumi’y
laman niya’t dugong hain.

Kanyang turong iniaral
na ang alak at tinapay
ay dugo niya’t katawan.

Manalig tayong matapat
kahit hindi namamalas
ang pagbabagong naganap.

Pagkain ay pinalitan
ni Kristo ng kanyang laman
upang tayo’y makinabang.

Napalitan ang inumin
sa dugo na inihain
ni Hesus para sa atin.

Ating pinagsasaluha’y
si Hesus na Poong mahal,
walang bawas, walang kulang.

Kahit marami o isa
ang tumatanggap sa kanya’y
laging sapat, laging kasya.

Ang may sala’y lapastangan
ngunit ang butihi’y banal
pagdulog sa pakinabang.

Masuwayi’y magdurusa,
mabubuhay ang magtika
nang si Kristo’y matanggap n’ya.

Hinati-hating tinapay
para sa nakikinabang
ay laman ni Kristong buhay
na sa ati’y kanyang alay.

Sa lahat ng tumatanggap
paghahati’y ginaganap
ngunit buo, walang bawas
ang Katawan ng Mesiyas.

Pagkaing mula sa langit
ngayo’y hain sa daigdig.
Handog na kaibig-ibig
kailanma’y di masasaid.

Paghahai’y inilahad
nang ialay si Isaac,
ang korderong nagliligtas,
ang manna ng nagsilikas.

Pastol naming mapagmahal,
kami’y iyong kaawaan,
gawing dapat makinabang
sa pagkaing iyong alay
hanggang langit ay makamtan.

Magagawa mo ang lahat
upang tanan ay maligtas,
akayin mo sa ‘yong hapag
lahat kaming ‘yong alagad
sa buhay mong walang wakas.

ALELUYA
Juan 6, 51

Aleluya! Aleluya!
Pagkaing dulot ay buhay
Si Hesus na Poong mahal,
Buhay natin s’ya kailanman.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 6, 51-58

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio. “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin inyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayun din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (A)

Taglay ang pasasalamat sa Panginoong Hesus sa kaloob niyang Eukaristiya, idulog natin sa kanya ang ating mga kahilingan para sa sangkatauhan, para sa buong Simbahan, at para sa ating sarili. Manalangin tayo:

Panginoong Hesus, pakainin mo ang iyong bayan!

Para sa Simbahang Katolika at lahat ng iba pang Kristiyanong relihiyon: Nawa makatagpo sila sa Eukaristiya ng bukal ng kanilang paglago at pakikipagtulungan alang-alang sa lubos na pagka- kaisang idinalangin ni Kristo. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, mga Obispo, mga Pari, at mga Natatanging Ministrong Laiko ng Eukaristiya: Nawa ang kani-kanilang buhay ay maging matibay na saksi sa kabanalan ng Sakramentong ito. Manalangin tayo!

Para sa mga maysakit, nalulumbay, at mga dukha: Nawa makahango sila sa Eukaristiya ng lakas na kailangan nilang panlaban sa pag-iisa at pagtatakwil. Manalangin tayo!

Para sa ating pamayanan at mga pamilya: Alalahanin nawa nating ang paglahok sa Eukaristiya ay nangangailangan ng katapatan sa pagtataguyod ng pakikipag- tulungan, katarungan, at kapayapaan. Manalangin tayo!

Para sa mga malapit nang mamatay: Nawa ang Eukaristiya ay maging patikim sa kanila ng ganap na pakikipagkaisa sa Diyos at lahat ng mga banal, na siyang katunayan ng buhay na walang hanggan. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, pagkain at inumin ng buhay na walang hanggan, pawiin mo sa amin at sa aming pamayanan ang lahat ng hadlang sa aming pakikipag-kaisa sa iyo at sa isa’t isa. Tulutan mong ang buhay namin ay maging larawan ng Piging na inihanda mo para sa amin sa Kahariang pinaghaharian mo nang walang hanggan. Amen!

Halimbawa sa taumbayan

 21,170 total reads

Mga Kapanalig, kinansela ni Vice President Sara Duterte ang halos isang linggo niyang biyahe sa Japan. 

Hindi ito dahil tutulong siya sa pagtugon ng gobyerno sa mga kababayan nating nasalanta ng masamang panahon dahil sa habagat. Hindi ito dahil napagtanto niyang hindi angkop para sa isang mataas ng opisyal ng gobyerno na mamasyal sa ibang bansa habang lubog sa baha o natabunan ng gumuhong lupa ang maraming lugar. 

Dahil ito sa pagsasapubliko ng Malacañang sa travel authority na ibinigay sa kanya.  

Naka-schedule ang personál na biyahe ni VP Sara sa Japan mula August 19 hanggang 24. Kahit na sariling gastos ng bise presidente ang pagpunta niya sa ibang bansa, kailangan pa rin itong aprubahan ng Office of the President. Inilabas ng Palasyo ang travel authority dalawang araw bago ang kanyang pag-alis, bagay na napag-alaman matapos tanungin ng media sa isang press conference. 

Hindi ito nagustuhan ni VP Sara. Kinabukasan, August 18, pinakansela ng kanyang opisina ang travel authority na ibinigay sa kanya. Nagbago na raw ang plano ng bise presidente, sabay paalala sa Office of the President na “serious concern” ang pagsasapubliko nito ng schedule ng pangalawang pangulo. Sinabi pa ni VP Sara sa isang pahayag na ang ginagawang ito ng Malacañang ay naglalagay sa kanyang personal na seguridad sa alanganin. Nalalantad daw siya sa panganib. 

Dagdag pa niya, “Transparency and accountability should not be demanded from a single government office alone.” Dahil sa nangyaring ito, inaasahan daw niyang isasapubliko rin ang lahat ng impormasyon tungkol sa mga pinahihintulutang biyahe ng Malacañang, kabilang na ang halaga ng gastos ng mga opisyal na binibigyan ng travel authority. 

Tama naman si VP Sara: lahat ng opisyal ng gobyerno—mula kay Pangulong Bongbong Marcos hanggang sa mga iniluklok natin sa ating mga pamahalaang pambarangay—ay dapat na maging transparent at accountable. Transparent dapat sila; ibig sabihin, bukás sa publiko ang mga ginagawa nila. Walang itinatago sa taumbayan. Accountable dapat sila; ibig sabihin, dapat malinaw na naipaliliwanag ng mga opisyal ang mga desisyon at hakbang na ginagawa nila. Kung may nagawa silang mali o kapabayaan, obligasyon nilang sumagot at tanggapin ang kaukulang parusa. 

Mas magiging tama si VP Sara kung siya mismo ang magiging halimbawa ng mga lingkod-bayang transparent at accountable. Lead by example, ‘ika nga.

Mahalaga para sa ating Simbahan ang pagiging mabuti at totoong halimbawa ng mga taong pinagkatiwalaan nating mamuno sa ating bansa. Ang kapangyarihang hawak nila ay hindi pribilehiyo; isa itong anyo ng paglilingkod. “True power is service,” sabi nga ng yumaong Pope Francis. Malinaw dapat sa mata ng publiko ang mga ginagawa ng ating mga lider. Tanggap nila ang pag-usisa sa mga ito: Saan ginagastos ang pera ng bayan? Sang-ayon ba sa batas at mga patakaran ang mga ito? Sinu-sino ang mga pinagbigyan nito? Totoong tao ba sila? Nakamit ba ang inaasahang mangyari? Maayos bang nakadokumento ang lahat ng transaksyon?

Kayang sagutin ang mga tanong na ito ng isang lider na transparent at accountable. Ang ganitong lider din ang may karapatang manitá sa kapwa nilang opisyal sa gobyerno—mula sa pinakamataas na posisyon hanggang sa mga nasa barangay. Ang transparent at accountable na lingkod-bayan ay handang humarap sa mga ligal at konstitusyunal na proseso ng pagpapanagot, gaya ng impeachment.

Mga Kapanalig, sabi nga sa 1 Pedro 5:2-3, “Pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. Iyan ang nais ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan.” 

Sumainyo ang katotohanan.

 

Protektahan ang mga bata

 58,548 total reads

Mga Kapanalig, taos-puso tayong nakikiramay sa mga estudyante, guro, at buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University na naapektuhan ng malagim na pamamaril noong Agosto 18. Ito ang pangalawang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa loob lamang ng dalawang buwan. 

Nanawagan ang Department of Education (o DepEd) sa media, vloggers, content creators, at publiko na huwag mag-post, magbahagi, o magpakita ng mga video at larawan na nagpapakita ng insidente at ng mga naging bunga nito. Ayon sa DepEd, maaari nitong dagdagan ang trauma na nararanasan ng mga biktima, kanilang mga pamilya, at buong komunidad.

Naglabas din ang ilang organisasyon ng media ng pahayag na dapat itrato ang mass shooting katulad ng suicide. Dapat iwasang bigyan ng labis o paulit-ulit na atensyon ang gumawa ng pag-atake, at huwag maglahad ng mga detalyeng hindi naman kailangang malaman ng publiko. Nanawagan sila sa mga kasamahan nila sa media na maging maingat at responsable sa kanilang pagbabalita.

Nangagamba rin ang mga psychiatrists at eksperto sa usaping mental health sa patuloy na pagkalat ng mga video ng insidente sa social media. Anila, may masamang epekto ang paulit-ulit na pagkakalantad sa gumawa ng pag-atake at sa mismong insidente. Dapat daw maging maingat sa pagtalakay sa ganitong mga pangyayari dahil maaari nitong dagdagan ang anxiety at takot ng mga tao.

Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang mas malawak na tugon sa karahasan sa mga paaralan, kabilang ang suporta sa mental health ng kabataan, intervention para sa mga pamilya, at mga konkretong hakbang para sa kaligtasan sa paaralan. May mga panawagan ding suriin ang mga batas tungkol sa pagmamay-ari ng baril.

May mahalagang papel din ang mga paaralan sa paglikha ng ligtas na pisikal at emosyonal na kapaligiran. Makatutulong ang pagkaroon nila ng malinaw na sistema para sa pag-uulat ng bullying, pang-aabuso, at iba pang panganib na maaaring mag-udyok sa mga estudyanteng maging marahas. Sapat na suporta din ang dapat ibigay sa mga mag-aaral at guro. Kaya nangako ang DepEd na magbibigay ng psychological first aid at psychosocial support sa mga apektadong estudyante, staff, at pamilya.

Sa tahanan naman, mahalagang maging mapagmatyag ang mga magulang sa mga nakikita at napapanood ng kanilang mga anak. Paalala ni Pope Francis na dapat subaybayan ng mga magulang kung anu-ano ang mga bagay at impluwensiyang pinapapasok nila sa buhay ng kanilang mga anak, tulad ng mga napapanood sa telebisyon at gadgets, at ng mga taong nakakasalamuha at nakakasama nila.

Sa pagharap natin sa trahedyang ito, huwag nating kalimutan ang mga taong higit na nangangailangan ng ating atensyon—ang mga biktima, kanilang mga pamilya, at ang buong komunidad na patuloy na nagdurusa. Maging maingat tayo sa impormasyong ibinabahagi, lalo na sa social media. May responsabilidad tayong huwag magpalaganap ng sensitibong larawan, tsismis, o fake news na lalo lamang makasasakit sa mga biktima at kanilang pamilya. Hindi natin kailangang dagdagan ang kanilang sakit. Sa halip, piliin nating maging bahagi ng paghilom at pag-iwas sa panibagong trahedya. Patuloy din nating itanong sa ating sarili: paano natin mapoprotektahan ang mga bata mula sa kultura ng karahasan?

Mga Kapanalig, paalala sa atin ng Awit 34:18, “Ang Panginoon ay malapít sa may pusong wasak, at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.” Sa gitna ng ganitong kadiliman, nawa’y maging bukál tayo ng habag at malasakit. Patuloy nating ipanalangin ang mga biktima ng pamamaril, ang kanilang mga mahal sa buhay, at ang buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University. Higit sa lahat, igalang natin ang kanilang dignidad at privacy habang sama-sama nating hinahanap ang mga paraan upang maging mas ligtas ang ating mga anak.

Sumainyo ang katotohanan.

1,2,3 kanya-kanya na!

 89,818 total reads

Mga Kapanalig, kumusta kayo nitong mga nakaraang linggo na naging grabe ang pag-ulan? 

Noong Agosto 17 lamang, umabot sa 201.7 millimeters ang ulan sa Quezon City sa loob lamang ng limang oras. Halos kalahati ito ng ulang naitala noong Bagyong Ondoy! Marami rin ang lumusong sa pagbaha, na-stranded sa biyahe, at pinasok ng tubig-baha ang bahay. Hindi bababâ sa limandaan ang nasugatan, at mahigit 25 ang nasawi. Dahil din sa pinagsamang epekto ng habagat at mga nagdaang bagyo, tinatayang 3.5 bilyong piso ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at mahigit 1.4 bilyong piso naman sa agrikultura.

Sa ganitong mga pagkakataon, kanya-kanyang diskarte ang mga Pilipino kung paano poprotektahan ang kanilang sarili, pamilya, at bahay mula sa baha. Isa na rito ang paggawa ng mga improvised flood barrier, na nag-viral sa social media matapos kumalat ang iba’t ibang paraan ng mga Pilipino sa paggawa nito. Sa Noveleta, Cavite, nag-ambagan ang ilang residente para makagawa ng isang barrier na nakatulong na mapigilan ang pagpasok ng baha sa kanilang eskinita. Sa Mabalacat, Pampanga naman, isang tindahan ang gumamit ng sandbags para harangan ang tubig-baha at maprotektahan ang kanilang puwesto.

Patunay ang mga ito ng pagiging maparaan ng mga Pilipino kapag may kalamidad. Pero ganito na lang ba palagi? Kanya-kanya na lang ba? Bakit kailangang tayo-tayo ang gumagawa ng paraan para protektahan ang ating mga sarili gayong dapat ang pamahalaan ang may pangunahing pananagutan dito?

Kahit gaano nakakabilib ang pagkamaparaan ng mga Pinoy, hindi dapat nauuwi sa kanya-kanyang diskarte ang paghahanda at pagtugon sa pagbaha. Hindi trabaho ng isang ordinaryong mamamayan o komunidad na magdisenyo ng sariling proteksyon laban sa baha para lamang mapanatiling ligtas ang kanilang tahanan. Hindi rin dapat sila ang napipilitang gumastos mula sa sariling bulsa o gumamit ng mga improvised na kagamitan para lamang harangan ang tubig-baha. Kahit may mga indibidwal o komunidad na nakagawa ng paraan para maprotektahan ang kanilang mga bahay, paano naman ang mga kalsada, paaralan, ospital, palengke, at iba pang pampublikong lugar? Hindi lahat ay may kakayahang gumawa ng sariling flood barrier at gumastos para dito.

Hindi naman dapat problema ng mga mamamayan ang pagbaha kung maayos ang paghahanda, pagpaplano, at pamamalakad ng mga sistema. Walang ibang may kakayahang ayusin ito kundi ang pamahalaan. Kabilang dito ang paglilinis at pagpapanatili ng mga drainage systems pati na ng mga daluyan ng tubig, tamang pamamahala sa mga ilog at waterways, at pagtiyak na hindi nahaharangan ang natural na daloy ng tubig. Kasabay nito, dapat may malinaw na disaster preparedness, maagang babala, maayos na evacuation plans, at sapat na kagamitan at mga kawani para mabilis na makatugon kapag may panganib. Kung meron ang mga ito, hindi sana naipapasa ang responsabilidad sa mga mamamayan at wala sanang flood barriers na kailangang ilagay.

Labis na kinokondena sa Jeremias 23:1-4 ang mga pinunong hindi inaalagaan ang mga taong ipinagkatiwala sa kanilang pamamahala. Sa halip na gabayan ang kanilang nasasakupan, pinababayaan nilang magkanya-kanyang diskarte ang mga tao at inilalagay nila sila sa panganib. Ganito rin ang binibigyang-diin sa Fratelli Tutti. Hindi sapat na sabihing kaya naman ng bawat isa na dumiskarte para sa sarili. Dapat may mga institusyong aktibo at tunay na kumikilos pa rin para sa kapakanan ng mga tao at ng kabutihang panlahat.

Mga Kapanalig, ang proteksyon laban sa baha ay hindi dapat maging pribilehiyo ng mga may pera, kagamitan, o kakayahang gumawa ng sariling paraan. Hindi dapat kanya-kanya ang kaligtasan. Ito ay pananagutan ng gobyerno sa mga mamamayan. Pananagutan nilang tiyaking may maayos na paghahanda at may mga serbisyong makikinabang ang buong komunidad, lalo ang mga higit na nangangailangan.

Sumainyo ang katotohanan.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Halimbawa sa taumbayan

 21,171 total reads

 21,171 total reads Mga Kapanalig, kinansela ni Vice President Sara Duterte ang halos isang linggo niyang biyahe sa Japan.  Hindi ito dahil tutulong siya sa pagtugon

Read More »

Protektahan ang mga bata

 58,549 total reads

 58,549 total reads Mga Kapanalig, taos-puso tayong nakikiramay sa mga estudyante, guro, at buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University na naapektuhan ng malagim na pamamaril

Read More »

1,2,3 kanya-kanya na!

 89,819 total reads

 89,819 total reads Mga Kapanalig, kumusta kayo nitong mga nakaraang linggo na naging grabe ang pag-ulan?  Noong Agosto 17 lamang, umabot sa 201.7 millimeters ang ulan

Read More »

NEW NORMAL

 165,907 total reads

 165,907 total reads Kapanalig, sa nakalipas na dalawang lingo sa buwan ng Agosto 206., ating nasaksihan, ating naranasan kung paano naging “waterworld” ang maraming bahagi ng

Read More »

Ilawan ang katotohanan

 259,087 total reads

 259,087 total reads Mga Kapanalig, isinagawa na noong Biyernes ang kauna-unahang “truth-telling session” ng Truth Commission tungkol sa madugong war on drugs ng administrasyon ni dating

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Biyernes, Agosto 28, 2026

 1,356 total reads

 1,356 total reads Paggunita kay San Agustin, obispo at pantas ng Simbahan 1 Corinto 1, 17-25 Salmo 32, 1-2. 4-5. 10ab-11 Awa’t pag-ibig ng Diyos sa

Read More »

Huwebes, Agosto 27, 2026

 3,017 total reads

 3,017 total reads Paggunita kay Santa Monica 1 Corinto 1, 1-9 Salmo 144, 2-3. 4-5. 6-7 Pupurihin ko ang ngalan ng Poon magpakailanman. Mateo 24, 42-51

Read More »

Miyerkules, Agosto 26, 2026

 4,581 total reads

 4,581 total reads Miyerkules ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 2 Tesalonica 3, 6-10. 16-18 Salmo 127, 1-2. 4-5 Mapalad ang sumusunod na taong may

Read More »

Martes, Agosto 25, 2026

 5,449 total reads

 5,449 total reads Martes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Luis IX o kaya Paggunita kay San Jose de Calasanz, pari 2

Read More »

Lunes, Agosto 24, 2026

 6,216 total reads

 6,216 total reads Kapistahan ni Apostol San Bartolome Pahayag 21, 9b-14 Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 17-18 Talastas ng mga tao dakilang paghahari mo. Juan 1, 45-51

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top