Linggo, Pebrero 9, 2025

SHARE THE TRUTH

 2,426 total views

Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Isaias 6, 1-2a. 3-8
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 4-5. 7k-8

Poon, kita’y pupurihin
sa harap ng mga anghel.

1 Corinto 15, 1-11
o kaya 1 Corinto 15, 3-8. 11
Lucas 5, 1-11

Fifth Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Isaias 6, 1-2a. 3-8

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nang taong mamatay si Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon. Nakaupo siya sa isang napakataas na luklukan. Ang laylayan ng kanyang damit ay nakalatag sa buong templo. May mga serapin sa kanyang ulunan, at bawat isa’y may anim na pakpak. Wala silang tigil nang kasasabi sa isa’t isa ng ganito:

“Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos ng mga hukbo;
ang kanyang kaningninga’y laganap sa sanlibutan.”

Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang pundasyon ng Templo at ang loob nito’y napuno ng usok. Sinabi ko, “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi. Mapapahamak ako pagkat ako’y isang makasalanang nakakita sa Panginoon, ang Makapangyarihang Hari.”

Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga sa dambana, at lumipad na patungo sa akin. Ang baga ay idiniit sa aking mga labi, at sinabi, “Wala ka nang sala. Napawi na ang mga kasalanan mo.” Narinig ko ang tinig ng Panginoon, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?” Sumagot ako, “Narito po ako. Ako ang isugo n’yo.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 4-5. 7k-8

Poon, kita’y pupurihin
sa harap ng mga anghel.

Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.

Poon, kita’y pupurihin
sa harap ng mga anghel.

Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Poon, kita’y pupurihin
sa harap ng mga anghel.

Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika’y ipagbubunyi.
Ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.

Poon, kita’y pupurihin
sa harap ng mga anghel.

Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa takas na iyong taglay.
Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat,
ang dahilan nito Poon, pag-ibig mo’y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.

Poon, kita’y pupurihin
sa harap ng mga anghel.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 1-11

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

At ngayo’y ipinaaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang Mabuting Balita na ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang pahayag na inyong tinanggap at naging saligan ng iyong pananampalataya. Sa pamamagitan nito’y naliligtas kayo, kung matatag kayong nananangan sa salitang ipinangaral ko sa inyo – liban na nga lamang kung kayo’y sumampalataya na di iniisip ang inyong sinampalatayanan.

Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Kristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa nasasaad sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya’y napakita kay Pedro, saka sa Labindalawa. Pagkatapos, napakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila’y buhay pa hanggang ngayon, bagamat patay na ang ilan. At napakita rin siya kay Santiago, saka sa mga apostol na sama-sama noon.

Sa kahuli-huliha’y napakita rin siya sa akin – bagamat ako’y tulad ng batang ipinanganak nang di-kapanahunan. Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol; ako’y di karapat-dapat tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang simbahan ng Diyos. Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako’y naging apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Nagpagal ako nang higit kaysa kaninuman sa kanila, bagamat hindi ito sa sarili kong kakayanan kundi sa tulong ng Diyos sa akin. Kaya’t maging ako o sila – ito ang ipinangangaral namin, at ito ang pinananaligan ninyo.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya: Maikling Pagbasa
1 Corinto 15, 3-8. 11

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:

Ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Kristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan ng nasasaad sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya’y napakita kay Pedro, saka sa Labindalawa. Pagkatapos, napakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila’y buhay pa hanggang ngayon, bagamat patay na ang ilan. At napakita rin siya kay Santiago, saka sa mga apostol na sama-sama noon.

Sa kahuli-huliha’y napakita rin siya sa akin – bagamat ako’y tulad ng batang ipinanganak nang di-kapanahunan. Kaya’t maging ako o sila – ito ang ipinangangaral namin, at ito ang pinananaligan ninyo.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 4, 19

Aleluya! Aleluya!
Sumunod kayo sa akin
at kayo’y aking gagawing
katambal ko sa tungkulin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 5, 1-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nakatayo si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao na ibig makarinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nakalunsad na ang mga mangingisda at naghuhugas ng kanilang mga lambat. Lumulan siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simong may-ari nito, na ilayo nang kaunti sa tabi. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.

Pagkatapos niyang magsalita ay sinabi kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Gayon nga ang ginawa nila sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira ang kanilang mga lambat. Kaya’t kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa ibang bangka upang patulong, at lumapit naman ang mga ito. Napuno ang dalawang bangka na halos lumubog. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y nagpatirapa sa paanan ni Hesus at nagsabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.” Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli gayon din sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasosyo ni Simon. At sinabi ni Hesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.” Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Isa pang state of emergency

 66,321 total views

 66,320 total views Mga Kapanalig, nagdeklara na si Pangulong Bongbong Marcos ng state of national energy emergency sa gitna ng krisis sa langis matapos ang ilang

Read More »

Krisis sa bukid at laot

 66,321 total views

 66,320 total views Mga Kapanalig, sa gitna ng pagdaigdigang krisis sa langis, hindi sumasabay ang lawak ng tulong mula sa gobyerno sa laki ng pangangailangan ng

Read More »

Ano tayo pagkatapos ng krisis?

 66,320 total views

 66,320 total views Mga Kapanalig, “kinamatayan na lang ang ayuda.” Ganito inumpisahan ang balita tungkol kay Tatay Jimmy na tatlong dekada nang namamasada ng tricycle sa

Read More »

Ang kalikasan ay may karapatan

 64,290 total views

 64,290 total views Mga Kapanalig, paano kung ang pagkalbo ng kagubatan, pagbuga ng polusyon, at pagsira sa dagat ay hindi na lang simpleng paglabag sa batas

Read More »

Patibong ng kasamaan

 58,758 total views

 58,758 total views Mga Kapanalig, hindi laging lantad ang kasamaan. Minsan nag-aanyo itong mabuti, maamo, at inosente. Ayon sa 2 Corinto 11:14, “…si Satanas man ay

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Marso 7, 2026

 3,721 total views

 3,721 total views Sabado sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Mikas 7, 14-15. 18-20 Salmo 102, 1-2. 3-4. 9-10. 11-12 Ang ating mahabaging D’yos

Read More »

Biyernes, Marso 6, 2026

 3,721 total views

 3,721 total views Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28 Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21 Gunitain nang malugod ang

Read More »

Huwebes, Marso 5, 2026

 3,721 total views

 3,721 total views Huwebes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 17, 5-10 Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6 Mapalad ang umaasa sa

Read More »

Miyerkules, Marso 4, 2026

 1,690 total views

 1,690 total views Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 18, 18-20 Salmo 30, 5-6. 14. 15-16 Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y

Read More »

Martes, Marso 3, 2026

 1,690 total views

 1,690 total views Martes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Isaias 1, 10. 16-20 Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23 Ang masunurin sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top