3,304 total views
Paggunita kay Santa Escolastica, dalaga
Genesis 1, 1-19
Salmo 103, 1-2a. 5-6. 10 at 12. 24 at 35k
Ang Poon ay natutuwa
sa kanyang mga nilikha.
Marcos 6, 53-56
Memorial of St. Scholastica, Virgin (White)
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Genesis 1, 1-19
Ang simula ng aklat ng Genesis
Nang simulang likhain ng Diyos ang lupa at ang langit, ang lupa ay wala pang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at umiihip ang malakas na hangin sa ibabaw ng tubig. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Nasiyahan ang Diyos nang ito’y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim. Ang liwanag ay tinawag niyang Araw at ang dilim naman ay tinawag niyang Gabi. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang unang araw.
Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito’y magkahiwalay!” At nangyari ito. Ginawa ng Diyos ang kalawakan na pumagitan sa tubig na nasa itaas at nasa ibaba. Langit ang itinawag niya sa kalawakan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang ikalawang araw.
Sinabi ng Diyos: “Magsama sa isang dako ang tubig sa silong ng langit upang lumitaw ang lupa.” At ito’y nangyari. Ang lupa ay tinawag niyang Daigdig, at Karagatan naman ang nagsama-samang tubig. Nasiyahan siya nang ito’y mamasdan. Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng lahat ng uri ng halamang namumunga at nagbubutil!” At nangyari ito. Tumubo nga sa lupa ang gayong mga halaman. Nasiyahan siya sa kanyang ginawa nang ito’y mamasdan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang ikatlong araw.
Sinabi pa ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit para mabukod ang araw sa gabi. Ito ang magiging batayan sa bilang ng mga araw, taon at kapistahan. Mula sa langit, ang mga ito’y magsasabog ng liwanag sa daigdig.” At gayun nga ang nangyari. Nilikha ng Diyos ang dalawang malaking tanglaw: ang Araw, upang tumanglaw sa maghapon, at ang Buwan, upang magbigay liwanag kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. Inilagay niya sa langit ang mga tanglaw na ito upang magsabog ng liwanag sa daigdig, tumanglaw kung araw o gabi, at magbukod sa liwanag at dilim. Pinagmasdan ng Diyos ang kanyang ginawa at siya’y nasiyahan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang ika-apat na araw.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1-2a. 5-6. 10 at 12. 24 at 35k
Ang Poon ay natutuwa
sa kanyang mga nilikha.
Pinupuri ka, Poong Diyos, nitong aking kaluluwa,
O Panginoong aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Ang taglay mong kasuuta’y dakila ri’t marangal pa.
Nababatbat ka, Poong Diyos, ng liwanag na kay ganda.
Ang Poon ay natutuwa
sa kanyang mga nilikha.
Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
matatag na ginawa mo’t hindi ito mauuga.
Ang ibabaw ng saliga’y ginawa mong karagatan,
at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
Ang Poon ay natutuwa
sa kanyang mga nilikha.
Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
Sa naroong kakahuya’y umaawit ng masaya,
mga ibo’y nagpupugad sa malabay nilang sanga.
Ang Poon ay natutuwa
sa kanyang mga nilikha.
Sa daigdig, ikaw Poon, kay rami ng iyong likha
pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa.
Sa dami ng nilikha mo’y nakalatan itong lupa.
Purihin ang Panginoon, purihin mo, kaluluwa!
Ang Poon ay natutuwa
sa kanyang mga nilikha.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos.
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 53-56
Noong panahong iyon, sina Hesus at ang kanyang mga alagad ay tumawid ng lawa, at pagdating sa Genesaret ay isinadsad nila ang bangka. Paglunsad nila, nakilala siya agad ng mga tao kaya’t nagmamadaling nilibot ng mga ito ang mga pook sa paligid; at ang mga maysakit, na nakaratay na sa higaan ay dinala nila kay Hesus, saanman nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya dumating, maging sa nayon, lungsod, o kabukiran, ay dinadala sa liwasan ang mga maysakit, at isinasamo sa kanya na pahipuin sila kahit man lang sa palawit ng kanyang kasuutan. At lahat ng makahipo nito ay gumagaling.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Manalangin tayo sa Ama na nagnanais na gumaling ang lahat. Hindi niya itinataboy ang sinumang nangangailangang dumudulog sa kanya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Tagapagpagaling, mahabag kayo sa lahat.
Bilang Simbahan nawa’y huwag nating isarado ang ating mga puso sa pangangailangan ng ating kapwa, bagkus ibahagi natin ang pag-ibig ng Diyos sa kaninuman, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y kumilos para sa katarungan at para sa dangal ng tao lalo na sa mga taong hindi binibigyang-pansin ng lipunan, kasama na ang mga mahihina at mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga komunidad nawa’y maging matulungin at maitaas ang bawat isa na mayroong pag-ibig at malasakit tulad ng ipinakita sa atin ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit sa isip, katawan, at diwa nawa’y makatagpo ng ganap na kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y tumanggap ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, pakinggan mo ang aming mga panalangin at aming mga puso at gawin mo kaming laging handa upang tanggapin at mahalin ang nangangailangan naming mga kapatid sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.