Lunes, Pebrero 10, 2025

SHARE THE TRUTH

 3,495 total views

Paggunita kay Santa Escolastica, dalaga

Genesis 1, 1-19
Salmo 103, 1-2a. 5-6. 10 at 12. 24 at 35k

Ang Poon ay natutuwa
sa kanyang mga nilikha.

Marcos 6, 53-56

Memorial of St. Scholastica, Virgin (White)

Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Genesis 1, 1-19

Ang simula ng aklat ng Genesis

Nang simulang likhain ng Diyos ang lupa at ang langit, ang lupa ay wala pang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at umiihip ang malakas na hangin sa ibabaw ng tubig. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Nasiyahan ang Diyos nang ito’y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim. Ang liwanag ay tinawag niyang Araw at ang dilim naman ay tinawag niyang Gabi. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang unang araw.

Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito’y magkahiwalay!” At nangyari ito. Ginawa ng Diyos ang kalawakan na pumagitan sa tubig na nasa itaas at nasa ibaba. Langit ang itinawag niya sa kalawakan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang ikalawang araw.

Sinabi ng Diyos: “Magsama sa isang dako ang tubig sa silong ng langit upang lumitaw ang lupa.” At ito’y nangyari. Ang lupa ay tinawag niyang Daigdig, at Karagatan naman ang nagsama-samang tubig. Nasiyahan siya nang ito’y mamasdan. Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng lahat ng uri ng halamang namumunga at nagbubutil!” At nangyari ito. Tumubo nga sa lupa ang gayong mga halaman. Nasiyahan siya sa kanyang ginawa nang ito’y mamasdan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang ikatlong araw.

Sinabi pa ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit para mabukod ang araw sa gabi. Ito ang magiging batayan sa bilang ng mga araw, taon at kapistahan. Mula sa langit, ang mga ito’y magsasabog ng liwanag sa daigdig.” At gayun nga ang nangyari. Nilikha ng Diyos ang dalawang malaking tanglaw: ang Araw, upang tumanglaw sa maghapon, at ang Buwan, upang magbigay liwanag kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. Inilagay niya sa langit ang mga tanglaw na ito upang magsabog ng liwanag sa daigdig, tumanglaw kung araw o gabi, at magbukod sa liwanag at dilim. Pinagmasdan ng Diyos ang kanyang ginawa at siya’y nasiyahan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang ika-apat na araw.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1-2a. 5-6. 10 at 12. 24 at 35k

Ang Poon ay natutuwa
sa kanyang mga nilikha.

Pinupuri ka, Poong Diyos, nitong aking kaluluwa,
O Panginoong aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Ang taglay mong kasuuta’y dakila ri’t marangal pa.
Nababatbat ka, Poong Diyos, ng liwanag na kay ganda.

Ang Poon ay natutuwa
sa kanyang mga nilikha.

Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
matatag na ginawa mo’t hindi ito mauuga.
Ang ibabaw ng saliga’y ginawa mong karagatan,
at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.

Ang Poon ay natutuwa
sa kanyang mga nilikha.

Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
Sa naroong kakahuya’y umaawit ng masaya,
mga ibo’y nagpupugad sa malabay nilang sanga.

Ang Poon ay natutuwa
sa kanyang mga nilikha.

Sa daigdig, ikaw Poon, kay rami ng iyong likha
pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa.
Sa dami ng nilikha mo’y nakalatan itong lupa.
Purihin ang Panginoon, purihin mo, kaluluwa!

Ang Poon ay natutuwa
sa kanyang mga nilikha.

ALELUYA
Mateo 4, 23

Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos.
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 6, 53-56

Noong panahong iyon, sina Hesus at ang kanyang mga alagad ay tumawid ng lawa, at pagdating sa Genesaret ay isinadsad nila ang bangka. Paglunsad nila, nakilala siya agad ng mga tao kaya’t nagmamadaling nilibot ng mga ito ang mga pook sa paligid; at ang mga maysakit, na nakaratay na sa higaan ay dinala nila kay Hesus, saanman nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya dumating, maging sa nayon, lungsod, o kabukiran, ay dinadala sa liwasan ang mga maysakit, at isinasamo sa kanya na pahipuin sila kahit man lang sa palawit ng kanyang kasuutan. At lahat ng makahipo nito ay gumagaling.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Manalangin tayo sa Ama na nagnanais na gumaling ang lahat. Hindi niya itinataboy ang sinumang nangangailangang dumudulog sa kanya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Tagapagpagaling, mahabag kayo sa lahat.

Bilang Simbahan nawa’y huwag nating isarado ang ating mga puso sa pangangailangan ng ating kapwa, bagkus ibahagi natin ang pag-ibig ng Diyos sa kaninuman, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y kumilos para sa katarungan at para sa dangal ng tao lalo na sa mga taong hindi binibigyang-pansin ng lipunan, kasama na ang mga mahihina at mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga komunidad nawa’y maging matulungin at maitaas ang bawat isa na mayroong pag-ibig at malasakit tulad ng ipinakita sa atin ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit sa isip, katawan, at diwa nawa’y makatagpo ng ganap na kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y tumanggap ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Ama, pakinggan mo ang aming mga panalangin at aming mga puso at gawin mo kaming laging handa upang tanggapin at mahalin ang nangangailangan naming mga kapatid sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Hindi lang ‘for the content’

 9,136 total views

 9,136 total views Mga Kapanalig, dahil sa paglaganap ng social media, marami ang naeengganyong maging content creators.  Kung anu-ano na nga ang nilalaman ng mga video

Read More »

DUMARAMI ANG NAGUGUTOM NA PILIPINO

 183,070 total views

 183,070 total views Puro politika…puro grandstanding….political manuevering… political interest…political survival! Kapanalig, ito ang nangingibabaw ngayon na usapin sa bansa. Puro para sa kanila, lahat para sa

Read More »

FAILURE OF LEADERSHIP

 160,703 total views

 160,703 total views political dynasty ay maituturing na “shameful event” sa kasaysayan ng tinatawag na “AUGUST CHAMBER”. Kapag bahagi ka ng AUGUST CHAMBER, maituturing ka dapat

Read More »

Trabaho lang, walang personalan

 224,533 total views

 224,533 total views Mga Kapanalig, naging mainit kamakailan ang mga eksena sa Senado matapos ang tensyon sa pagitan nina Senador Robin Padilla at Senador Francis “Kiko“

Read More »

Serbisyo para kanino?

 243,677 total views

 243,677 total views Mga Kapanalig, si Senador Alan Peter Cayetano na ngayon ang bagong Senate President, kapalit ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.  Marami sa mga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Mayo 27, 2026

 740 total views

 740 total views Miyerkules ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Agustin ng Kanterberi, obispo 1 Pedro 1, 18-25 Salmo 147, 12-13.

Read More »

Martes, Mayo 26, 2026

 2,397 total views

 2,397 total views Paggunita kay San Felipe Neri, pari 1 Pedro 1, 10-16 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog

Read More »

Lunes, Mayo 25, 2026

 2,397 total views

 2,397 total views Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan Genesis 3, 9-15. 20 o kaya Mga Gawa 1, 12-14 Salmo 87, 1-2. 3. at

Read More »

Linggo, Mayo 24, 2026

 2,077 total views

 2,077 total views Linggo ng Pentekostes (A) Mga Gawa 2, 1-11 Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34 Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong

Read More »

Sabado, Mayo 23, 2026

 1,326 total views

 1,326 total views Sabado sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 28, 16-20. 30-31 Salmo 10, 4. 5. at 7 Poon, ang mga mabuti

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top