Sabado, Mayo 10, 2025

SHARE THE TRUTH

 3,031 total views

Sabado sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

o kaya Paggunita kay San Juan ng Avila, Pari at Pantas ng Simbahan

Mga Gawa 9, 31-42
Salmo 115, 12-13. 14-15. 16-17

Sa lahat ng ‘yong kaloob
ano’ng aking ihahandog?

Juan 6, 60-69

Saturday of the Third Week of Easter (White)

or Optional Memorial of St. John of Avila, Priest and Doctor of the Church (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 9, 31-42

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, naging matiwasay ang Simbahan sa buong Judea, Galilea at Samaria. Ito’y tumatag at lumaganap sa tulong ng Espiritu Santo at namuhay na may pagkatakot sa Panginoon.

Naglalakbay noon si Pedro upang dumalaw sa mga kapatid sa pananampalataya. Sa pagdalaw niya sa mga kapatid sa Lida, natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito’y paralitiko at walong taon nang nararatay. “Eneas,” ani Pedro, “pinagagaling ka ni Hesukristo. Tumindig ka’t ayusin mo ang iyong higaan!” At tumindig siya agad. Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at nanampalataya sila sa Panginoon.

Sa Jope naman, may isang alagad na babae, ang pangala’y Tabita. Sa Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas, na ang ibig sabihi’y usa. Ginugugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng mabuti at pagkakawanggawa. Nang mga araw na iyon, siya’y nagkasakit at namatay. Nang mapunasan na ang bangkay, ito’y ibinurol sa silid sa itaas. Di kalayuan sa Jope ang Lida. Nang mabalitaan ng mga alagad na naroon si Pedro, inutusan nila ang dalawang lalaki upang siya’y pakiusapang pumunta agad sa Jope. Sumama naman sa kanila si Pedro. Pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Agad lumapit sa kanya ang mga babaing balo na nananangis at ipinakikita ang mga balabal at mga damit na ginawa ni Dorcas noong ito’y nabubuhay pa. Pinalabas ni Pedro ang lahat; siya’y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita si Pedro. Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungan siyang tumindig. Pagkatapos, tinawag niya ang mga banal at ang mga babaing balo at iniharap sa kanila si Dorcas na buhay na. Nabalita ito sa buong Jope, kaya’t marami ang sumampalataya sa Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 12-13. 14-15. 16-17

Sa lahat ng ‘yong kaloob
ano’ng aking ihahandog?

o kaya: Aleluya.

Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.

Sa lahat ng ‘yong kaloob
ano’ng aking ihahandog?

Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam.

Sa lahat ng ‘yong kaloob
ano’ng aking ihahandog?

Panginoon, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.

Sa lahat ng ‘yong kaloob
ano’ng aking ihahandog?

ALELUYA
Juan 6, 63k. 68k.

Aleluya! Aleluya!
Espiritung bumubuhay
ang Salita mo, Maykapal,
buhay mo ang tinataglay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 6, 60-69

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, marami sa mga alagad ni Hesus ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?” Alam ni Hesus na nagbubulung-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito, kaya’t sinabi niya, “Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako? Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao sa dati niyang kinaroroonan? Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay Espiritu at buhay. Ngunit may ilan sa inyong hindi nananalig sa akin.” Sapagkat talastas ni Hesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi nananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makalalapit sa akin malibang loobin ito ng Ama.”

Mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. Kaya’t tinanong ni Hesus ang Labindalawa, “Ibig din ba ninyong umalis?” Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Sabado

Inihahatid sa atin ni Kristo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan at tayo ay sumasampalataya. Bunga ng pananampalatayang ito, may pagtitiwala tayong magsumamo sa ating Ama sa Langit na dinggin ang mga panalangin ng pamayanang ito.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, panatilihin Mo kaming tapat sa iyong Anak.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y sumunod sa Panginoon nang buong puso, isip, at lakas, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng mga bansang nagdaranas ng kaguluhan nawa’y walang patid na magsikap na makapaghatid ng kapayapaan at katarungan sa kanilang mga bansa, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang maunawaan na ibinibigay ng Diyos ang pinakadakilang katunayan ng kanyang pag-ibig sa nananatiling presensya ng Banal na Sakramento, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at nagdurusa sa matagal nang karamdaman nawa’y magkaroon ng kapayapaan ng damdamin na dulot ng nagbibigay-ginhawang mga salita ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nawa’y magtamasa ng walang hanggang kapayapaan kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, nasa iyong Anak ang mga salita ng buhay; wala kaming patutunguhan kundi sa kanya. Iniaalay namin ang aming mga panalangin sa ngalan niya na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Hindi lang ‘for the content’

 8,232 total views

 8,232 total views Mga Kapanalig, dahil sa paglaganap ng social media, marami ang naeengganyong maging content creators.  Kung anu-ano na nga ang nilalaman ng mga video

Read More »

DUMARAMI ANG NAGUGUTOM NA PILIPINO

 182,166 total views

 182,166 total views Puro politika…puro grandstanding….political manuevering… political interest…political survival! Kapanalig, ito ang nangingibabaw ngayon na usapin sa bansa. Puro para sa kanila, lahat para sa

Read More »

FAILURE OF LEADERSHIP

 159,799 total views

 159,799 total views political dynasty ay maituturing na “shameful event” sa kasaysayan ng tinatawag na “AUGUST CHAMBER”. Kapag bahagi ka ng AUGUST CHAMBER, maituturing ka dapat

Read More »

Trabaho lang, walang personalan

 223,672 total views

 223,672 total views Mga Kapanalig, naging mainit kamakailan ang mga eksena sa Senado matapos ang tensyon sa pagitan nina Senador Robin Padilla at Senador Francis “Kiko“

Read More »

Serbisyo para kanino?

 242,874 total views

 242,874 total views Mga Kapanalig, si Senador Alan Peter Cayetano na ngayon ang bagong Senate President, kapalit ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.  Marami sa mga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Mayo 27, 2026

 608 total views

 608 total views Miyerkules ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Agustin ng Kanterberi, obispo 1 Pedro 1, 18-25 Salmo 147, 12-13.

Read More »

Martes, Mayo 26, 2026

 2,265 total views

 2,265 total views Paggunita kay San Felipe Neri, pari 1 Pedro 1, 10-16 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog

Read More »

Lunes, Mayo 25, 2026

 2,265 total views

 2,265 total views Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan Genesis 3, 9-15. 20 o kaya Mga Gawa 1, 12-14 Salmo 87, 1-2. 3. at

Read More »

Linggo, Mayo 24, 2026

 1,988 total views

 1,988 total views Linggo ng Pentekostes (A) Mga Gawa 2, 1-11 Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34 Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong

Read More »

Sabado, Mayo 23, 2026

 1,237 total views

 1,237 total views Sabado sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 28, 16-20. 30-31 Salmo 10, 4. 5. at 7 Poon, ang mga mabuti

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top