Linggo, Mayo 18, 2025

SHARE THE TRUTH

 2,780 total views

Ika-5 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)

Mga Gawa 14, 21b-27
Salmo 144, 8-9. 10-11. 12-13ab

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Pahayag 21, 1-5a
Juan 13, 31-33a. 34-35

Fifth Sunday of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 14, 21b-27

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon: Nagbalik sina Pablo at Bernabe sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia ng Pisidia. Pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya. “Magdaranas muna tayo ng maraming kapighatian bago makapasok sa kaharian ng Diyos,” turo nila sa kanila. Sa bawat Simbahan, humirang sila ng matatandang mamamahala, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito’y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinananaligan.

Tinahak nila ang Pisidia, at nakarating ng Panfilia. Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos, at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antiquia. Dito sila nagsimula ng gawaing ginanap nila matapos silang itagubilin sa pagkakalinga ng Diyos.

Pagdating doon, tinipon nila ang mga kaanib ng Simbahan at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya ang daan upang makapanampalataya ang mga Hentil.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 8-9. 10-11. 12-13ab

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

o kaya: Aleluya!

Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingi niya ay mamamalagi.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Magpupuring lahat sa iyo, o Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihan ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.

Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi.

IKALAWANG PAGBASA
Pahayag 21, 1-5a

Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag

Akong si Juan ay nakakita ng isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa; wala na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, bumababang galing sa langit buhat sa Diyos, gaya ng babaing ikakasal, gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya. Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Ngayon, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan siyang kasama nila, at sila’y magiging bayan niya. Makakapiling nila nang palagian ang Diyos at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang kanilang mga luha. Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.” Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!”

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 13, 34

Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ni Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 13, 31-33a. 34-35

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Pagkaalis ni Judas mula sa Huling Hapunan, sinabi ni Hesus, “Ngayo’y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao; at mahahayag din ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan niya. At kung mahayag na ang karangalan ng Diyos, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at gagawin niya ito agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo’y mag-ibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Ang tapat at isinasabuhay na pag-ibig sa kapwa ang siyang marapat maging tatak ng ating mga pamayanan at ng bawat isa sa atin. Sapagkat ito’y hindi madaling gawin, buong tiwala nating hilingin ang tulong ng Panginoon. Manalangin tayo:

Panginoon, turuan mo kaming magmahal!

Nawa patuloy na itaguyod ng Simbahan ang pagmamahal ni Kristo sa lahat ng mga pagpa- pahalaga. Manalangin tayo!

Nawa mabigyang-inspirasyon tayo ng Santo Papa at ng lahat ng pinuno ng Simbahan na isang buhay na naaayon kay Kristo. Manalangin tayo!

Nawa ang ating mga pamayanang Kristiyano ay maaaring umangat sa mga nangingibabaw na saloobin ng kawalang-interes, pagkamakasarili, at paghihiganti. Manalangin tayo!

Nawa mapatawad natin ang mga nagkasala sa atin at huwag magtanim ng sama ng loob at paghihiganti. Manalangin tayo!

Nawa’y hindi tayo magkulang sa pagpapakita ng mapagmahal na pagmamalasakit sa ating kapwa, lalo na sa mga maysakit, mahihirap, at mga nasa laylayan ng lipunan. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: upang sa pamamagitan ng paggawa, ang bawa’t isa ay makapag kamit ng tunay na tagumpay, at bawa’t pamilya ay maitaguyod sa dangal
at ang lipunan ay lumago sa diwa ng tunay na pagkatao ayon sa kalooban ng Diyos. Manalangin tayo!

Panginoong Hesukristo, gawin mo kaming maawain, bukas-palad, at mapagpatawad, at sa gayo’y tumulad sa iyong isinilang, nabuhay, at namatay dahil sa pag-ibig sa amin, at ngayon ay patuloy na nagmamahal at nagmamalasakit magpakailanman. Amen!

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Hindi lang ‘for the content’

 18,059 total views

 18,059 total views Mga Kapanalig, dahil sa paglaganap ng social media, marami ang naeengganyong maging content creators.  Kung anu-ano na nga ang nilalaman ng mga video

Read More »

DUMARAMI ANG NAGUGUTOM NA PILIPINO

 191,993 total views

 191,993 total views Puro politika…puro grandstanding….political manuevering… political interest…political survival! Kapanalig, ito ang nangingibabaw ngayon na usapin sa bansa. Puro para sa kanila, lahat para sa

Read More »

FAILURE OF LEADERSHIP

 169,626 total views

 169,626 total views political dynasty ay maituturing na “shameful event” sa kasaysayan ng tinatawag na “AUGUST CHAMBER”. Kapag bahagi ka ng AUGUST CHAMBER, maituturing ka dapat

Read More »

Trabaho lang, walang personalan

 233,113 total views

 233,113 total views Mga Kapanalig, naging mainit kamakailan ang mga eksena sa Senado matapos ang tensyon sa pagitan nina Senador Robin Padilla at Senador Francis “Kiko“

Read More »

Serbisyo para kanino?

 251,609 total views

 251,609 total views Mga Kapanalig, si Senador Alan Peter Cayetano na ngayon ang bagong Senate President, kapalit ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.  Marami sa mga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Mayo 27, 2026

 1,531 total views

 1,531 total views Miyerkules ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Agustin ng Kanterberi, obispo 1 Pedro 1, 18-25 Salmo 147, 12-13.

Read More »

Martes, Mayo 26, 2026

 3,188 total views

 3,188 total views Paggunita kay San Felipe Neri, pari 1 Pedro 1, 10-16 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog

Read More »

Lunes, Mayo 25, 2026

 3,188 total views

 3,188 total views Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan Genesis 3, 9-15. 20 o kaya Mga Gawa 1, 12-14 Salmo 87, 1-2. 3. at

Read More »

Linggo, Mayo 24, 2026

 2,525 total views

 2,525 total views Linggo ng Pentekostes (A) Mga Gawa 2, 1-11 Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34 Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong

Read More »

Sabado, Mayo 23, 2026

 1,774 total views

 1,774 total views Sabado sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 28, 16-20. 30-31 Salmo 10, 4. 5. at 7 Poon, ang mga mabuti

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top