2,480 total views
Ipinag-utos ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad ang pansamantalang pagpapasara ng Parish Church of St. John the Baptist sa Jimenez, Misamis Occidental sa Mindanao matapos ang paglapastangan ng isang babae sa Holy Water Font o sisidlan ng banal na tubig sa loob ng Simbahan.
Sa isang kumakalat na video sa social media site na Facebook ay makikita ang pagdura ng babae sa Holy Water Font ng Simbahan na nasasakop ng Arkidiyosesis ng Ozamis.
Batay sa inilabas na atas ni Archbishop Jumoad, pansamantalang isasara ang Simbahan ‘until further notice’ upang bigyang daan ang imbestigasyon sa naganap na insidente at maisagawa ang mga ritu upang muling maibalik ang dignidad at kabanalan ng Simbahan.
“The Parish Church of St. John the Baptist in Jimenez shall remain closed until further notice as a sign of penance and reparation. This is to invoke conversion of heart and communal purification as guided by Catholic teaching.” Bahagi ng atas ni Archbishop Jumoad.
Ayon sa atas ng Arsobispo, maaari lamang pahintulutan ang muling pagbubukas sa Simbahan matapos na magawa ng mga mananampalataya sa parokya ang mga nasasaad na ‘acts of penance’ kabilang na ang pakikibahagi sa isasagawang Holy Hour of Adoration at pangungumpisal upang humingi ng kapatawaran matapos ang naging paglapastangan sa kabanalan ng Simbahan.
Kaugnay nito, nakatakda ang pagsasagawa ng Holy Hour of Adoration at Solemn Confessions sa ika-7 ng Agosto, 2025 ganap na alas-tres ng hapon na naglalayong maibalik ang dignidad at kabanalan ng Simbahan.
“A Holy Hour of Adoration and Solemn Confessions shall be held on August 7 at 3:00 PM to forster repentance, seek forgiveness, and restore the sanctity of the parish. The reopening of the church will only be permitted after appropriate acts of penance are observed by the faithful, including participation in the Holy Hour and confession, as well as after due pastoral assessment.” Dagdag pa ni Archbishop Jumoad.
Nagbabala rin si Archbishop Jumoad laban sa sinumang maglalapastangan sa mga sagradong bagay sa Simbahan gaya ng holy water font, na itinuturing itong mabigat na kasalanan at paglapastangan sa kabanalan ng bahay dalanginan na may kalakip na parusa kaya naman hinihikayat ang agarang pangungumpisal at taos-pusong pagsisisi maging ng mga mananampalataya sa parokya.
Babala ni Archbishop Jumoad, “A serious warning is hereby extended to the individual responsible: The act of profaning sacred objects, susch as the holy water font, constitutes grave sin and desecration (cf. CCC 2139) and incurs not only ecclesiastical penalties but endangers the sinner’s communion with the Church and God. Immediate confession and sincere repentance are required yp restore one’s standing in the community of faith.”
Muli namang pinaalalahanan ng Arsobispo ang mga mananampalataya na ang mga sagradong bagay at lugar ay daluyan ng biyaya ng Diyos at nararapat bigyang galang at pahalagahan nang buong paggalang.
Muli ring nananawagan si Archbishop Jumoad ng pagbabalik-loob sa kabanalan, paggalang, at pagkakaisa sa pamayanang Kristiyano lalo na sa pamayanang nasasakop ng parokya.
Ayon kay Archbishop Jumoad. “May the faithful be reminded that sacred objects and places are vessels of God’s grace and deserve our utmost respect and reverence. Let us all renew our commitment to holiness, reverence and communal harmony.”
Batay sa inisyal na ulat, naganap ang insidente noong nakalipas na araw ng Linggo ng gumawa ang isang 28-taong gulang na babae ng isang vlog content sa loob ng Simbahan.