176,984 total views
Mga Kapanalig, nagdesisyon na ang International Criminal Court (o ICC) hinggil sa apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na repasuhin ang pagbasura sa kanyang kahilingan para sa interim release. Nanindigan ang ICC sa nauna nitong desisyon na panatilihin siya sa kustodiya ng korte.
Ang interim release ay pansamantalang paglaya ng isang akusado habang naghihintay ng paglilitis, pero hindi ito nangangahulugang absuwelto na siya sa kasong kinakaharap. Ipinagkakaloob lang ito kung kumpiyansa ang hukuman na maipagpapatuloy ang pagdinig sa kaso kahit wala sa kulungan ang akusado.
Hindi ito nakita ng ICC sa kaso ni dating Pangulong Duterte. Wala raw sapat na basehan ang tatlong grounds of appeal na inihain ng kanyang kampo. Nabigo rin daw ang kampo ng datinbg presidente na ipakitang may pagkakamali sa pagsusuri o na hindi makatwiran ang naging konklusyon noon ng ICC.
Noong ipinatutupad ang giyera kontra droga, napakaraming hindi binigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili. Hindi sila nabigyan ng abogado. Hindi sila nakatungtong sa korte. Hindi sila pinakinggan. Pinatay na lang sila dahil salot sa lipunan ang turing sa kanila.
Ngayon naman, ang dating pangulo, kasama ang kanyang pamilya at mga tagasuporta, ay humihiling na mapalaya muna siya dahil sa kanyang edad, kalusugan, at mga karapatan. Umaasa sila ngayon sa awa ng sistemang minsan niyang binalewala. Subalit sa desisyon ng ICC, malinaw na ang awa ay hindi maihihiwalay sa pagkilala sa katotohanan at katarungan.
Sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, ang awa—at nakapaloob na rito ang pagpapatawad—ay hindi nangangahulugang kakalimutan na natin ang mga pagkakamaling nagawa ng isang tao. Katarungan ang layunin ng kapatawaran, at kaakibat nito ang pagpapanagot sa mga nagkasala.
Walang dapat pinipili ang awa, kaya ibinigay din sana ito sa mga biktima at pamilya nilang hanggang ngayon ay naghahanap ng sagot, naghahanap ng katawan ng kanilang mahal sa buhay, at naghahanap ng katarungan. Nasaan ang awa para sa mga naulila, para sa mga nadurog ang buhay, para sa mga inakusahan ngunit hindi nakapagsalita, para sa mga pinatay bago pa man napatunayang may sala?
Para sa mga pamilya ng biktima ng war on drugs, ang desisyon ng ICC ay isang malaking hakbang tungo sa pananagutan. Ayon sa Philippine Coalition for the International Criminal Court, ito ay “malaking panalo” para sa mga biktima at kanilang mga pamilya, lalo na’t binigo sila ng sarili nating sistemang pangkatarungan. Nagsisimula pa lang ang kanilang laban para sa katarungan.
Sa gitna ng mga panawagan para sa awa, hustisya, at pananagutan, mainam na paalala ang mga salitang ito mula Mikas 6:8: “Tinuruan tayo ng Panginoon kung ano ang mabuti. At ito ang nais niyang gawin natin: Gawin natin ang matuwid, pairalin natin ang pagkamaawain sa iba at buong pagpapakumbabang sumunod sa Diyos.”
Sa isyung ito, panghawakan natin ang tatlong haligi: katarungan para sa mga biktima, awa para sa mga nasaktan, at kababaang-loob para sa nagkasala. Hindi maaaring paghiwa-hiwalayin ang mga ito. Ang awa na walang katarungan ay pagtalikod sa katotohanan; ang katarungan na walang kababaang-loob ay nagiging paghihiganti. Tanging ang pagtindig sa totoo ang makakapagpanumbalik ng dangal sa lahat.
Mga Kapanalig, dasal nating manaig ang katotohanan. Hangad nating mapanagot ang tunay na maysala, pero hangad din nating maging tama, malinaw, at makatao ang proseso ng pagdinig sa kaso ng dating presidente. Oo, sana kahit siya ay makatanggap ng due process na ipinagkait niya sa mga biktima ng madugo niyang kampanya—hindi dahil espesyal siya kundi para maitaas natin bilang isang bayan ang antas ng ating pag-unawa sa hustisya. Sapagkat ang hustisya, kapag totoo, ay hindi namimili. Ito ay tumitindig para sa biktima, at kumakatok din sa pinto ng nagkasala.
Sumainyo ang katotohanan.






