41,517 total views

Homiliya para sa Ikalawang Araw ng Simbang Gabi, 17 Dis 2025, Mat 1:1-17
May tatlong yugto ang family tree o listahan ng mga ninuno ng Panginoong Hesukristo sa ebanghelyong binasa natin. Tatlong grupo ng tigla-labing-apat na salinlahi (14 generations): mula kay Abraham hanggang kay Haring David, mula kay King David hanggang sa exile o pagkakabihag nila sa Babilonia, mula sa pagkakabihag hanggang kay HesuKristo.
Konting aral muna. Bakit ba kay Abraham nagsisimula ang listahan? Dahil tinawag siya at pinangakuan ng Diyos na siya ay magiging Father of Many Nations—“Ama ng Maraming mga Bansa” (Iyon ang ibig sabihin ng pangalan niyang “ABRAHAM”). Bakit kay Hesus nagwawakas ang talaan? Dahil siya ang ipinahahayag ni San Mateo bilang KATUPARAN ng ipinangako ng Diyos kay Abraham. Paano? Sa pamamagitan ng masaklap na karanasan nila ng Exile at Diaspora—ang pagkakabihag nila sa imperyo ng Babilonia na naging dahilan kung bakit nagkalat sila sa maraming mga bansa sa buong daigdig.
Dati kasi, ang pagkilala kay Yahwe ng mga sinaunang mga ninuno nila na sina Abraham, Isaac, at Jacob, ay “Diyos ng Kanilang Pamilya o Angkan”. Pero sa pamamagitan ng pamumuno ng mga Hukom, at ng mga Haring tulad nina Saul, David at Solomon, nagkakaugnay-ugnay at nagkaisa ang maraming mga angkan at nabuo ang isang bansa. Kaya ang Diyos nilang si Yahwe na dating kinikilalang bilang Diyos lang ng isang angkan ay naging Diyos ng buong bayang Israel. Pero parang kabalintunaan, parang biro ng tadhana, kung kailan binihag ang kanilang bayan ng imperyo ng Babilonia at sila’y nagkalat sa iba’t ibang mga bansa, noon nagsimulang mabigyan ng katuparan ang pangako na si Abraham ay magiging Ama ng maraming mga bansa, at umusbong sa kanilang kamalayan na si Yahwe pala ay Diyos—hindi lang ng bayang Israel, kundi ng lahat ng bayan— ng buong sangkatauhan at sangnilikha.
Kung nakinig kayo sa unang pagbasa kahapon sa unang araw ng Simbang Gabi, ito yung binigkas na orakulo ng propeta Isaias: “Pagpapalain ko rin ang mga dayuhang nag-aalay ng sarili nila sa akin…Ang templo ko ay tatawaging bahay-danalanginan PARA SA LAHAT NG TAO mula sa lahat ng bansa. Sinabi pa ng Panginoong Diyos na nagtipon sa mga nabihag at nagkalat na mga anak ng Israel—Titipunin ko rin ang iba, maliban doon sa mga natipon ko na. ” (Isa 56:6, 7c-8)
Sa chapter 49:6, ganito rin ang sinasabi ng propeta: “Napakaliit naman ng pangarap ninyong maging aking lingkod na titipon sa mga nagkalat na angkan ni Jacob at magpapabalik sa mga buhay na labi ng bayang Israel, gagawin ko kayong ilaw na tatanglaw sa mga bansa upang ang aking kaligtasan ay makaabot sa lahat ng sulok ng daigdig.”
Ito ang misyon na matutupad lamang kay Kristo—hindi na kaligtasan para lang sa Israel, kundi para sa buong sangkatauhan, buong sangnilikha. Sabi nga ni Pope Francis: TODOS, TODOS, TODOS. Kaya hinihikayat niya tayong totohanin ang pagiging simbahang sinodal.
Di ba’t nasabi rin ito ni San Pablo minsan: “Mawawala na ang pagkakaiba ng Hudyo at Griyego, alipin at malaya, lalaki at babae. Lahat ay magiging iisa dahil kayo’y nakay Kristo na. Dahil kayo’y nakay Kristo na, kabilang na kayo sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ng mga ipinangako ng Diyos sa kanya.” (Gal 3:28-29).
Hindi pwedeng hindi maka-relate ang Pinoy sa mga pagbasang ganito—dahil, katulad ng Israel, tayo rin—mahigit sa 12 percent ng ating populasyon ay napadpad sa iba’t ibang sulok ng daigdig bilang mga migrante: America, Europa, Australia, New Zealand, Middle East, Japan, Hongkong, pati sa South America at Africa may mga OFWS.
Kahit totoong trabaho lang naman ang hanap nila para masuportahan ang mga pamilya nila, sabi nga ni Pope Francis, nagiging mga bagong misyunero daw ang mga Pilipino, mga kontrabandista ng mabuting balita. Nasabi minsan sa akin ng isang Cardinal na taga Great Britain—ang lakas ng impluwensya ng inyong mga migranteng Pilipino sa buong munso. Tingnan ninyo, aniya—sa mga Filipino caregivers ipinagkakatiwala ng marami ang kanilang mga nakatatanda, sa mga Filipino nurses ipinaaalaga ang kanilang mga maysakit, sa mga Filipino nannies ipinabe-baby sit ang kanilang mga bata, at sa mga Filipino domestics ipinagkakatiwala ang pagsasaayos ng kanilang mga bahay. Pwede bang hindi pakikinggan ang mga taong kumakalinga sa pinaka-mahihina at nasa maselang kalagayan sa aming mga bansa? Kung ang Pinoy ay sikat bilang care-giver, at ang Pasko ay tungkol sa Diyos nagkatawang-tao upang turuan tayong kumalinga sa isa’t isa, ibig sabihin, ang mga OFWs natin na kumakalinga, kahit sa tahimik na gawain lang ng pagkalinga ay nagpapahayag na ng malakas na patotoo sa Mabuting Balita ng Diyos na Kumakalinga.
Hindi ito aksidente. Sana maging malinaw sa atin—may plano din ang Diyos, at kasama tayo sa pagsasakatuparan niya ng plano niya sa pamamagitan ng tahimik na pagsaksi nila at patotoo ng marami sa ating mga kababayan sa Mabuting Balita. Kaya upang lalong lumakas at tumaas ang kredibilidad ng ating patotoo, tayong naririto pa rin sa Pilipinas, magkaisa tayo sa muling pagsasaayos sa ating bansa, sa pagtatakwil sa katiwalian, sa pagpapanumbalik sa katapatan ng mga lingkod-bayan sa gubyerno, sa pagtatatag sa isang lipunang patas, mapayapa at sagana hindi lang para sa iilan, kundi para sa nakararami.






