3,408 total views
Mga Kapanalig, dahil na rin sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga nasa pamahalaan noong isinailalim ang Pilipinas sa batas militar o martial law, itinatag ng Saligang Batas ng 1987 ang Office of the Ombudsman.
Pagkatapos ng People Power Revolution noong 1986, ginamit ni dating Pangulong Corazon Aquino ang kanyang revolutionary powers para ayusin ang mga opisina ng gobyerno na nagbabantay sa katiwalian. Ang Tanodbayan na binuo at kinokontrol noon ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr ay pinalitan ng Office of the Special Prosecutor. Ito ang naglatag ng pundasyon para sa Office of the Ombudsman na pormal na itinayo ng ating Konstitusyon.
Ang Office of the Ombudsman ay sadyang idinisenyo para maging malaya sa kontrol o panghihimasok ng presidente. Ito ay para maimbestigahan nito kahit pa ang matataas na opisyal ng gobyerno nang walang takot na tanggalin sa puwesto. Hindi maaaring sibakin sa posisyon ang Ombudsman gayundin ang kanyang mga deputy o kinatawan.
Kaya sinabi ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon at maituturing na “executive overreach” o paglampas sa limitasyon ng pangulo ang ginawang pagpapatalsik noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang. Walong taon ang inabot bago magdesisyon ang mga mahistrado ng pinakamataas na korte sa bansa. Mali daw ang pagsibak kay Carandang, na nagsabi noon na may isinasagawang imbestigasyon ang Ombudsman bilang tugon sa mga reklamo tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman ng pamilyang Duterte. Binanggit din ni Carandang na nakakuha na ang Ombudsman ng mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council. Siya ang sumalo sa trabahong piniling iwasan ng dating Ombudsman na si Conchita Carpio-Morales dahil kamag-anak niya ang asawa ng anak ng pangulo na si dating Davao City Mayor Sara Duterte.
Hindi nagustuhan ng dating pangulo ang pagsasapubliko ni Carandang tungkol sa imbestigasyon ng Ombudsman tungkol sa mga umano’y tagong yaman ng pamilya Duterte. Karapatan naman ng taumbayan na malaman ang mga ginagawa ng Ombudsman, lalo na kung tungkol ito sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Hindi lang kontra-droga kundi kontra-korapsyon nga rin ang plataporma ng dating pangulo, hindi ba? Bakit kaya niya sinibak ang dating deputy ombudsman na ginagawa lamang ang kayang trabaho bilang bantay ng bayan? Hindi ba bukam-bibig ng mga taga-suporta ni Duterte na kung walang ginagawang baluktot o kalokohan, walang dapat katakutan?
Sa desisyong ito ng Korte Suprema, masasabi nating vindicated o napatunayang walang ginawang mali si Carandang. Maituturing ngang kabayanihan ang matapang niyang pagganap sa kanyang tungkulin para sa malinis na pamamahala. Patunay ito na laging mananaig ang katotohanan kahit pa anong pilit gawin ng mga gustong itago ito. Inabot nga lang ng walong taon bago naituwid ang desisyon ng dating presidente, pero gayunman, babala ito sa mga allergic sa pagpapanagot o accountability.
Ang pagkakaroon ng tanodbayan o Ombudsman ay sang-ayon sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan ukol sa korapsyon. Ang pagbabantay sa ating mga lider para tiyaking hindi nila inaabuso ang kanilang kapangyarihan ay bahagi ng pagtataguyod ng integridad o katapatan sa pamahalaan. Kung tapat ang mga nasa gobyerno, walang katiwalian. Kung walang katiwalian, sapat at maagap na maibibigay ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan. Sabi nga, kung walang korap, walang mahirap.
Mga Kapanalig, sa pagpapawalambisa ng Korte Suprema sa pagkakasibak kay Carandang, matatanggap niya ang kanyang mga retirement benefits at suweldong dapat niyang natanggap mula noong sinuspinde siya hanggang sa matapos ang kanyang termino. Tunay nga ang sinabi sa Mangangaral 3:17: “hahatulan ng Diyos ang masama at ang mabuti pagkat may itinakda siyang panahon para sa lahat ng bagay.” Pero walang pinipiling panahon ang pagpapanagot sa mga magnanakaw sa gobyerno.
Sumainyo ang katotohanan.






