334 total views
Iginiit ng Franciscan Province of San Pedro Bautista–Philippines na hindi dapat ituring na krimen ang pagtatanggol sa kalikasan at mga pamayanang apektado ng mga proyektong may banta sa kapaligiran.
Ito ang binigyang-diin ni OFM Minister Provincial Fr. Lino Gregorio Redoblado bilang pakikiisa kay Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao at iba pang tagapagtanggol ng kalikasan na nahaharap sa kasong sibil kaugnay ng kanilang pagtutol sa mga aktibidad ng pagmimina sa Nueva Vizcaya at Quirino.
Ayon kay Fr. Redoblado, hindi dapat manahimik ang Simbahan kapag ang mga nagtataas ng mga usaping moral, ekolohikal, at makatao ay nahaharap sa mga hakbang na maaaring magdulot ng pananakot o pagpapatahimik.
“The protection of our common home and the defense of affected communities should never be treated as acts deserving of punishment or intimidation,” pahayag ni Fr. Redoblado.
Binanggit din ng mga Franciscano ang pangambang ang isinampang kaso ay nagtataglay ng mga katangian ng Strategic Lawsuit Against Public Participation o SLAPP, na maaaring makapigil sa mga mamamayan at tagapagtanggol ng kalikasan na makilahok sa mga usaping may kinalaman sa kapaligiran.
Binigyang-pugay rin ng kongregasyon ang matagal nang paninindigan ni Bishop Mangalinao kasama ang mga katutubo, magsasaka, at lokal na komunidad sa pangangalaga sa mga watershed, ecosystem, at ancestral domains.
Binigyang-diin ni Fr. Redoblado na ang pangangalaga sa sangnilikha ay mahalagang pagpapahayag ng pananampalataya at isang pananagutang hindi maaaring talikuran ng mga Kristiyano.
“To protect forests, rivers, watersheds, mountains, and the communities that depend upon them is to protect life itself,” ayon kay Fr. Redoblado.
Nanawagan din ang mga Franciscano sa pamahalaan na unahin ang kabutihang panlahat, tiyaking mananatiling prayoridad ang pangangalaga sa kalikasan, at protektahan ang karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng kanilang mga lehitimong pangamba hinggil sa kapaligiran.
“We affirm that the defense of our common home is not a crime but a moral responsibility, a civic duty, and a sacred obligation before God,” saad ni Fr. Redoblado.




