683 total views
Hinimok ng Master of the Order of Preachers (Dominicans), Fr. Gerard Francisco Timoner III, OP, ang mga mananampalataya, lalo na ang mga kabataan, na makibahagi sa Frassati Day 2026 sa Manila Cathedral bilang paggunita sa unang kapistahan ni San Pier Giorgio Frassati bilang santo.
Sa liham na inilabas sa Dakilang Kapistahan ni San Juan Bautista, inilarawan ni Fr. Timoner si San Pier Giorgio bilang isang huwaran ng kabanalan at paglilingkod na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga kabataan sa buong mundo.
“St. Pier Giorgio was called a ‘man of the Eight Beatitudes’ by St. John Paul II. He has inspired countless people worldwide, especially the youth,” ayon kay Fr. Timoner.
Binigyang-diin ng pari ang malalim na pananampalataya ng santo na naging bukal ng kanyang paglilingkod sa mga dukha.
Ayon pa kay Fr. Timoner, nananatiling huwaran si San Pier Giorgio sa mga kabataang naghahangad na pagsamahin ang kabanalan at paglilingkod.
“Pier Giorgio is a reliable guide and companion in our aspirations to meet God… and to bring good news,” saad pa ng pinuno ng mga Dominican.
Suportado rin ng Archdiocese of Manila ang gaganaping “Pataas sa Diyos, Pababa sa Kapwa: Frassati Catholic Youth Social Action Festival” sa July 4 sa Manila Cathedral, sa pamamagitan ng paghihikayat sa lahat ng parokya, komunidad, at mga institusyon na ipalaganap ang paanyaya at hikayatin ang mga kabataang lumahok sa pagtitipon.
“We kindly request our parishes, communities, and institutions to disseminate this invitation to our young people and likewise encourage them to participate in this activity,” ayon kay Manila Chancellor Fr. Carmelo Arada, Jr.
Ayon pa sa arkidiyosesis, layunin ng gawain na tipunin ang mga kabataan sa halimbawa ni San Pier Giorgio Frassati bilang huwarang kabataan sa gitna ng mga hamong panlipunan at pampulitika sa kasalukuyan.
Pangungunahan ng Nuestra Señora del Santísimo Rosario de la Universidad de Santo Tomas Young Thomasian Professionals–Lay Dominican Fraternity ang pagdiriwang.
Kabilang sa pagdiriwang ang exhibit tungkol sa buhay ni San Pier Giorgio Frassati mula June 27 hanggang July 5 sa St. Jude Chapel ng Manila Cathedral.
Tampok naman sa July 4 ang Eucharistic Adoration, Morning Prayer, Social Action Talk, pagdarasal ng Santo Rosaryo at pagdiriwang ng Banal na Misa sa alas 12 ng tanghali na pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.




