1,008 total reads
Tiniyak ng Ateneo de Zamboanga University (ADZU) na pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan ng mga estudyante kasunod ng pamamaril sa Junior High School campus nito ngayong Martes, August 18.
Sa inilabas na pahayag ng unibersidad, sinabi nitong agad itong nakipag-ugnayan sa mga magulang at guardian upang maayos na makauwi ang mga estudyante, habang tiniyak naman ang kaligtasan ng mga nananatili sa loob ng campus.
“The safety of our students is our top priority,” ayon sa Ateneo De Zamboanga University.
Ayon sa ADZU, patuloy ang koordinasyon nito sa mga awtoridad para sa kumpletong ulat at iba pang detalye hinggil sa insidente.
Kinumpirma ng pamunuan na dalawa na ang nasawi at siyam ang sugatan, ngunit hindi pa nito inilalabas ang iba pang detalye habang isinasagawa ang koordinasyon sa mga awtoridad.
Kasabay nito, naglatag ang unibersidad ng mga opisyal na communication channel upang maihatid sa publiko ang mga beripikado at napapanahong impormasyon.
Hiniling ng unibersidad sa publiko na igalang ang privacy ng mga biktima, ng kanilang mga pamilya, at ng lahat ng naapektuhan ng insidente.
Nanawagan naman ang pamunuan ng unibersidad para sa mabilis na paglutas sa sitwasyon at sa kaligtasan ng lahat.
“We pray for the quick resolution of the situation and for the safety of all,” anila.
Pinaigting naman ng awtoridad at lokal na pamahalaan sa lugar ang seguridad ng institusyon kasunod ng insidente, habang nagpapatuloy ang puspusang imbestigasyon.




