1,175 total reads
Pinaalalahanan ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang mga sakristan na huwag ituring na simpleng ritwal o pagsunod sa mga alituntunin ang kanilang paglilingkod sa Simbahan, kundi isang konkretong pagpapahayag ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.
Sa kanyang homiliya sa opening liturgy ng ikaapat na pilgrimage tour ng imahen ni San Tarcisio ng Roma sa Novaliches Cathedral, binigyang-diin ng obispo na ang tunay na paglilingkod ay dapat nagmumula sa puso at naisasabuhay maging sa labas ng simbahan.
“Serving is not just wearing an attire. Serving is not just not committing mistakes, but serving really is a manifestation of your love for God and for others,” ayon kay Bishop Gaa.
Hamon ng pastol sa mga sakristan na suriin ang kanilang paglilingkod kung ito ay nauuwi lamang sa pagsunod sa mga ritwal at tuntunin o tunay na nagmumula sa pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.
“Is it all rituals? Are all the rules? Or is it your love for God and for your neighbor?” aniya.
Paliwanag ni Bishop Gaa na hindi dapat manatili sa loob ng simbahan ang pagmamahal na natututuhan sa paglilingkod, kundi dapat itong makita sa pakikitungo ng mga kabataan sa kanilang pamilya, paaralan, mga kaibigan, at maging sa mga hindi nila nakakasundo.
Samantala, sa panayam ng Radyo Veritas, sinabi ni Bishop Gaa na mahalaga ang ministry of altar servers dahil nakatutulong itong hubugin ang pagpapahalaga at pagkatao ng mga kabataan.
“Kadalasan nga po, ang pagse-serve ay isang ritwal lamang at isang gawain na dapat nating gawin nang hindi nagkakamali. Pero sa totoo lang po, ang paglilingkod ay formative. It forms your values, what is significant, and your heart,” ayon kay Bishop Gaa.
Binigyang-diin ng obispo ng Novaliches na maaaring maging daan ang paglilingkod ng mga sakristan upang unti-unti nilang matuklasan ang kanilang bokasyon, kabilang ang buhay bilang pari o bilang consecrated person.
Kabilang sa mga tampok sa pagtitipon ang holy hour for vocations at vocation jamboree kung saan 44 na mga kongregasyon ang lumahok sa vocation promotion.
Inihalimbawa ni Bishop Gaa si San Tarcisio, na ayon sa tradisyon ay nagbuwis ng buhay upang mapangalagaan ang Banal na Eukaristiya habang dinadala ito sa mga Kristiyanong nakabilanggo noong panahon ng pag-uusig sa mga Kristiyano.
Aniya, ipinamalas ni San Tarcisio na ang paglilingkod ay hindi lamang tungkol sa mga gawain at ritwal kundi sa kahandaang magsakripisyo bilang pagpapakita ng pagmamahal.
“For him, it was not just rites, it was not just tasks, but it was a sign of his love for God and for others that he was willing to sacrifice his life to manifest that love,” dagdag pa ng obispo.
Hinimok niya ang mga sakristan na gawing pundasyon ng kanilang paglilingkod ang pagmamahal at pagpapahalaga sa Diyos at sa kapwa.
Dumalo sa pagtitipon ang mahigit 1,700 sakristan mula sa mga diyosesis ng Novaliches, Antipolo, Cubao, at Malolos.
Bibisitahin naman ng pilgrim tour ang halos 100 parokya sa apat na diyosesis hanggang Disyembre, kung saan isasagawa ang closing liturgy sa Diocesan Shrine and Parish of Saint Mary Magdalene sa Pililia, Rizal, na sakop ng Diocese of Antipolo.




