7,877 total reads
Hinimok ng Archdiocese of Manila Ministry on Integral Ecology ang publiko na isabuhay ang tunay na ecological conversion bilang bahagi ng pagsisimula ng Season of Creation ngayong Setyembre.
Ayon kay Fr. Ricardo Valencia, Priest Minister ng Ministry on Integral Ecology ng Archdiocese of Manila, muling ipinapaalala ng Season of Creation ang panawagan ni Pope Francis sa Laudato Si’ na pangalagaan ang mundo bilang iisang tahanan o “common home.”
Binigyang-diin ni Fr.Valencia na magkakaugnay ang mga tao at komunidad, kaya anumang pinsalang ginagawa sa kalikasan ay maaaring magkaroon ng epekto maging sa mga lugar na malayo sa pinagmulan nito.
Tema ng season of creation ay “Immersion in Living Water,” habang itinatalaga ito ng Archdiocese of Manila na “Tubig ng Buhay, Daluyan ng Biyaya.”
“Magandang araw sa inyong lahat at sa lahat ng mga nakikinig sa Radio Veritas. Ngayon ho ay September 1 at nag-umpisa na po ang tinatawag nating Season of Creation. And nire-remind na naman tayo nung ating Santo Papa, Pope Francis, nung kanyang ipinahayag ang Laudato Si’, na kailangan nating pangalagaan ang ating nag-iisang tahanan, ang ating mundo. Ang tawag niya ay “Common Home.” And alam naman natin na lahat ng mga pangyayaring nagaganap sa ibang lugar, apektado din tayo. Ngayong mga araw, napansin natin na nagkaroon ng health alert na kailangan natin magsuot ulit ng mask dahil hindi maganda ‘yung kalidad ng ating hangin. At ‘yan ay dahil daw sa sunog na nangyari sa bansa ng Indonesia. And can you imagine, doon naganap pero tayo ay apektado pa rin. ‘Yan ay nagpapatunay that we really live in the same home, the same place, and we need to take care of it. Ang sakit ng kalingkingan ay damdam ng buong katawan. Kaya ano man ang ating gagawin, kung mapabuti, mapabuti para sa lahat; kung masama, ay nakapapasama sa lahat. Kayang ang hiling ng Santo Papa sa atin ay magkaroon ng tunay na conversion, pati ecological conversion. Ang ating spiritual conversion at ecological conversion ay iisa,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Valencia.
Inihayag naman ni Brother Adrian Tambuyat, Ministry Coordinator ng Archdiocese of Manila Ministry on Integral Ecology na nakatuon ang kanilang paggunita ngayong taon sa “Immersed in Living Water,” na ini-angkop naman sa lokal na tema na “Tubig ng Buhay, Daloy ng Biyaya.”
Ipinaliwanag ni Tambuyat na mahalaga ang temang ito sa Archdiocese of Manila dahil napaliligiran ito ng mga anyong-tubig gaya ng mga ilog, estero at Manila Bay kaya bukod sa pangangalaga sa tubig, binibigyang-pansin din ng kanilang ministry ang accessibility ng malinis at ligtas na inuming tubig sa mga komunidad.
Itinatag ang Ministry on Integral Ecology ng Archdiocese of Manila noong 2005 sa panahon ni Cardinal Gaudencio Rosales at patuloy na nagbibigay ng technical assistance sa mga parokya upang makapagtatag ng sariling ecology ministries.
Kabilang sa mga programa nito ang ecological conversion, environmental education, sustainable living at pakikipagtulungan sa iba’t ibang environmental advocacy groups.
Samantala, bilang pagpapasinaya at pagkakaisa ng bawat simbahan sa Archdiocese of Manila ay hinimok ng Ministry on Integral Ecology ang mga parokya ngayong September 01 sa pagsisimula ng Season of Creation na patunugin ang kanilang mga kampana,ganap na alas-siyete ng gabi na magsisilbing paanyaya sa mga parokya na makiisa sa panalangin at ipakita ang pagkakaisa ng mga Kristiyano sa pangangalaga sa kalikasan.




