781 total reads
Nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa pamahalaan na tugunan ang matagal nang panawagan ng mga guro para sa mas mataas na sahod, dagdag benepisyo, sapat na personnel, at mas malaking pondo para sa edukasyon ngayong paggunita sa World Teachers’ Day.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni ACT National Chairperson Ruby Bernardo na ang World Teachers’ Day ay hindi lamang pagkakataon para kilalanin ang mga guro, kundi panahon din upang bigyang-pansin ang kanilang kalagayan sa trabaho, sahod, at mga benepisyo.
“Dahil nga Teachers’ Day ngayon, at gusto namin talagang iparinig doon sa ating mga nasa posisyon ‘yung aming mga demands for World Teachers’ Day. Kasi sabi namin, ang esensya po ng World Teachers’ Day, kung babalikan din natin historically, ay pagkilala doon sa natatanging papel ng ating mga guro, at pagkilala din nung kanilang kalagayan sa usapin ng sahod, benepisyo, at ‘yung kalagayan nila sa paggawa.” Bahagi ng pahayag ni Bernardo sa Radyo Veritas.
Kabilang sa pangunahing panawagan ng ACT ang ₱50,000 entry-level salary para sa mga guro at pagtataas ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA) mula ₱2,000 tungo sa ₱5,000.
Binigyang-diin din ni Bernardo ang pangangailangan ng mas maraming mental health personnel at pagkilala sa mga registered guidance counselors sa mga paaralan.
Ayon sa kanya, dapat na ma-reclassify sa Salary Grade 18 ang mga registered guidance counselors, na nananatili sa Salary Grade 11.
Iniuugnay ito ng ACT sa pangangailangan na mapalakas ang mental health services at prevention programs sa mga paaralan, lalo na sa gitna ng mga insidente ng school-related violence at bullying.
“Dapat bigyan talaga ng recognition ‘yung ating mga registered guidance counselors. At siyempre dagdagan ito, lalo pa’t nakikita natin for the past days ‘yung 10 school-related violence incidents na nangyayari sa mga eskwelahan. Marami diyan bullying, kaya dapat talaga magkaroon ng prevention doon sa mga eskwelahan natin. Pero paano nga namin ‘yun gagawin kung kulang ‘yung ating mga personnel sa eskwela?” Dagdag pa ni Bernardo.
Iginiit din ni Bernardo na kailangang mabawasan ang clerical at administrative work ng mga guro upang makapagpokus sila sa pagtuturo.
“Ang gusto natin para makatulong din sa mga estudyante natin—I mean, sa mga teachers natin, maka-focus sa pagtuturo para ‘yung mga estudyante natin ay matuto.” Ayon pa kay Bernardo.
Kabilang sa binanggit na mga pasanin ni Bernardo ang paperwork, manual na school forms at iba pang gawaing hindi direktang kaugnay ng pagtuturo.
Nanawagan din ang ACT ng mas malawak na digitalization at pagkakaroon ng education support personnel na tutulong sa mga gawaing administratibo.




