1,485 total reads
Ipinaalala ni Dipolog Bishop Severo Caermare, DD, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity, sa mga layko na hindi sila nag-iisa sa pagharap sa mga personal na pagsubok at problema bansa.
Tiniyak ni Bishop Caermare sa mga layko na kasama nila ang simbahan at Diyos sa kanilang paglalakbay.
Ayon kay Bishop Caermare na mahalagang harapin ng mga layko ang iba’t ibang suliranin bilang bahagi ng nagkakaisang Simbahan, lalo na sa panahong maraming hamon na kinakaharap ang bansa sa kasalukuyan.
Ayon sa Obispo, bagamat may kanya-kanyang personal na problema ang bawat isa, dapat manatiling matatag ang mga layko sa kanilang pananampalataya at alalahaning hindi sila nag-iisa.
“Higit na ngayong nararanasan ng Pilipinas ang maraming problema. Paano po nila ito haharapin bilang nagkakaisang Simbahang Katoliko? Alam natin ang mga maraming problema po nating kinakaharap ang ating bansa, at may mga personal na rin tayong mga problema, pero alalahanin natin na hindi tayo nag-iisa. Yes, the Church journeys with us, and of course, God is journeying with us,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Caermare.
Binigyang-diin ni Bishop Caermare na patuloy na kasama ng Simbahan ang mga mananampalataya sa kanilang paglalakbay, habang ang Diyos ay patuloy ding gumagabay at nakikiisa sa kanila sa bawat hamon.
Ito ang mensahe ng Obispo sa pagtatapos ng National Laity Week 2026 na may temang “The Laity United in Prayer as Pilgrims of Hope — That Christ may be formed in us.”




