438 total reads
Dapat manatiling kanlungan ng mga mahihirap at nangangailangan ang Simbahan.
Ito ang binigyang-diin ni Fr. Joel Rescober, rector at parish priest ng Archdiocesan Shrine of Our Lady of the Miraculous Medal – San Vicente de Paul Parish sa Ermita, Maynila, kasabay ng paggunita sa ika-10 World Day of the Poor noong Nobyembre 15.
Ayon kay Fr. Rescober, mahalagang paalala ang tema ng pagdiriwang ngayong taon na inilaan ni Pope Leo XIV upang bigyang-diin na nasa puso ng misyon ng Simbahan ang mga mahihirap at higit na nangangailangan.
Paliwanag ng pari, hindi lamang kawalan ng seguridad sa buhay at mga pangunahing pangangailangan ang anyo ng kahirapan. Kabilang din dito ang kawalan ng kasama, maayos na kalusugan at kapaligiran, pag-asa, at pakiramdam na walang nakikinig o tumatanggap sa kanila.
“Ang kahirapan po ay unang nakikita sa kawalan ng seguridad sa buhay at mga pangunahing pangangailangan; ngunit nararanasan din ito sa kawalan ng kasama o katuwang, kawalan ng mabuting kalusugan at maayos na kapaligiran, kawalan ng pag-asa, at pakiramdam na walang nakikinig o tumatanggap,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Fr. Rescober sa Radyo Veritas.
Dahil dito, hinikayat niya ang Simbahan na manatiling bukas, mapagkalinga at handang makinig sa mga nangangailangan.
Kabilang sa mga konkretong pagkilos ng kanilang parokya ang pagtanggap at pagpapakain sa mga taong naninirahan sa lansangan upang ipadama sa kanila na hindi sila nag-iisa at mayroon silang tahanan sa Simbahan.
Nagpasalamat din si Fr. Rescober sa pakikiisa ng Vicariate of Nuestra Señora de Guia sa paggunita sa World Day of the Poor sa pamamagitan ng pagsasalo sa pagkain at pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan sa 200 pamilya mula sa iba’t ibang parokya sa bikaryato.
“Mahalaga pong maramdaman ng ating mga kapatid na may kasama sila, may kumakalinga, at may tahanan sila sa Simbahan,” dagdag pa ng pari.
Samantala, nagsagawa rin ang Arkidiyosesis ng Maynila ng Community Pantry Day 235 sa Pandacan, katuwang ang Saint Walter Church, mga boluntaryo at donor bilang bahagi ng patuloy na pagtulong sa mga mahihirap.




