196 total reads
Iginiit ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang kahalagahan ng paggalang sa dignidad ng mahihirap sa gitna ng mga puna sa pagtatago sa ilang maralitang komunidad sa Metro Manila bilang paghahanda sa ika-49 na ASEAN Summit.
Ayon kay Bishop Santos, hindi dapat itago ang kahirapan upang pagandahin ang imahe ng bansa sa harap ng mga dayuhang delegado. Sa halip, dapat itong harapin sa pamamagitan ng katarungan, malasakit at konkretong pagtulong sa mga nangangailangan.
“Ating bigyan diin ang dangal ng mga mahihirap at pananagutang panlipunan. Huwag itago ang katotohanan ng kahirapan, kundi harapin ito ng may katarungan, pagmamalasakit at pagkalinga,” ayon sa mensaheng pinadala ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Una nang kinondena ng grupong Kaagapay ng mga Sandigan ng Masang Nasa Kalsada o KASAMA KA ang umano’y sapilitang pagpapalikas sa mga street dweller at pagtatakip sa ilang komunidad gamit ang mga harang at pinintahang pader.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang Akbayan Party-list sa paggamit ng mga puting pintura at iba pang hakbang na umano’y nagkukubli sa tunay na kalagayan ng mahihirap.
Depensa naman ng Malacañang, bahagi ng mga hakbang sa seguridad ang paglalagay ng mga harang at pagpapasara sa ilang establisimyento. Layunin din nitong maipakita ang mga likhang-sining ng mga Pilipino.
Binigyang-diin ni Bishop Santos na sa halip na ikubli ang kahirapan, dapat itong tugunan sa pamamagitan ng mga programang kumikilala at nangangalaga sa dignidad, karapatan at kapakanan ng mga mahihirap.




