1,710 total reads
Kinilala ni Aid to the Church in Need-Philippines National Director Max Ventura ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pananalangin ng mga bata para sa kapayapaan sa isinagawang One Million Children Praying the Rosary ngayong Oktubre 7, 2026 – Kapistahan ng Our Lady of the Holy Rosary.
Ayon kay Ventura, ang sabayang pananalangin ng mga bata sa Pilipinas na pangunahing isinagawa ngayong taon sa Diyosesis ng Tarlac at sa iba’t-ibang panig ng mundo ay pagkakataon upang makita ang pagkakaisa ng mga Katoliko sa pananampalataya at debosyon sa Mahal na Birheng Maria.
“Ito po ay pagkakataon upang makita ang ating pagkakaisa bilang isang sambayanang Katoliko sapagkat ang panalangin na ito ay ipinagdiriwang sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at iba’t ibang bahagi ng mundo.” Bahagi ng pahayag ni Ventura.
Hinimok din ni Ventura ang mga bata na ipagpatuloy ang pagdarasal ng Santo Rosaryo, na isang makapangyarihang paraan upang maipanalangin ang kapayapaan at mailapit ang sarili sa Diyos sa pamamagitan ni Maria.
Binigyang-diin din ni Ventura na ang One Million Children Praying the Rosary na pananalangin ng Santo Rosaryo ay hindi lamang isang sama-samang gawain kundi isang paraan upang ang kapayapaan ay magsimula sa puso ng bawat isa.
Ayon kay Ventura, mahalagang tularan ang Mahal na Birheng Maria bilang huwaran ng pananampalataya at patuloy na pagtiwala sa kapangyarihan ng Diyos.
“Sana po patuloy natin na ipagdasal, isa sa pamamagitan ng napaka-powerful na Rosaryo, para sa kapayapaan.” Dagdag pa ni Ventura.
Ang panawagan ni Ventura ay kaugnay ng layunin ng One Million Children Praying the Rosary na sinimulan 21 taon na ang nakakalipas na isang taunang pandaigdigang prayer initiative ng pontifical foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need na naglalayong pag-isahin ang mga bata sa pananalangin para sa kapayapaan at palalimin ang kanilang pananampalataya.
Una ng ipinaliwanag ni Ventura na ang sama-samang pananalangin ng mga bata ay pagpapakita ng pagkakaisa ng Simbahan at isang panawagan para mabawasan ang mga kaguluhan at digmaan sa mundo.
Sa pamamagitan ng pananalangin ng Santo Rosaryo, hinikayat ang mga bata na patuloy na maging mga saksi ng pananampalataya at mga ilaw ng kapayapaan at pag-asa sa kanilang pamilya, paaralan at pamayanan.




