847 total reads
Suportado ng mga obispo ng Ecclesiastical Province of Capiz ang mariing pagtutol ng Diocese of Kalibo sa pagbubukas at operasyon ng casino sa Boracay, Malay, Aklan.
Sa isang pastoral statement na nilagdaan nina Capiz Archbishop Victor Bendico, Romblon Bishop Narciso Abellana at Kalibo Bishop Cyril Villareal, sinabi ng mga obispo na dapat seryosong pakinggan ang pangamba ng Simbahan sa posibleng epekto ng pagsusugal sa mga pamilya, lalo na sa mga mahihirap at mahihinang sektor ng lipunan.
Binigyang-diin ng mga obispo na hindi lamang kita, pamumuhunan, at turismo ang dapat maging batayan sa pagsusuri sa operasyon ng casino, kundi higit sa lahat, ang kapakanan at dignidad ng tao.
“Behind questions of investment, tourism, and revenue are persons and families whose welfare must remain our primary concern,” ayon sa pahayag.
Ayon sa mga obispo, magiging mabuti ang kaunlaran ng lipunan kung nagbibigay ito ng marangal na kabuhayan, nagpapalakas sa mga komunidad at nagbibigay sa mga tao ng pagkakataong umunlad sa pamamagitan ng marangal na trabaho.
Babala ng mga pastol na maaaring mawala ang wastong direksyon ng kaunlaran kung inuuna ang ekonomiya at isinasantabi ang kapakanan ng mamamayan.
“It loses its proper direction when economic gain is pursued without sufficient regard for its human and social cost,” anila.
Nagbabala rin ang mga obispo sa iba pang suliraning kaakibat ng paglaganap ng pagsusugal, kabilang ang prostitusyon at human exploitation, pagnanakaw at iba pang krimen, at paglaganap ng ilegal na droga.
Hinimok nila ang mga opisyal ng pamahalaan, mga lider ng negosyo at lahat ng may pananagutan sa kinabukasan ng Boracay na pakinggan ang panawagan ng lokal na Simbahan.
“Decisions affecting a community should be judged not only by the income they may generate, but also by the kind of life and society they help to form,” saad pa ng mga obispo.
Binigyang-diin din ng mga obispo na ang panawagan ng Diocese of Kalibo ay hindi pag-atake sa sinuman kundi isang “appeal to conscience and to our responsibility for one another.”
Tiniyak ng mga obispo ng Ecclesiastical Province of Capiz ang kanilang pakikiisa kay Bishop Villareal at sa mga mananampalataya ng Diocese of Kalibo sa panawagang pangalagaan ang pamilya, igalang ang dignidad ng bawat tao at isulong ang kabutihang panlahat.
Una nang nanindigan ang lokal na simbahan ng Kalibo laban sa mga casino sa isla noong 2003 nang planong magbukas ng casino ang Philippine Amusement and Gaming Corp. sa lugar, ngunit hindi ito naipagpatuloy dahil sa mariing paninindigan ng mga mamamayan.




