1,034 total reads
Mariing iginiit ni Pope Leo XIV na hindi maaaring manatiling tahimik ang mga mananampalataya sa pang-aapi sa mahihina at mahihirap at sa nagpapatuloy na kawalan ng katarungan.
Sa kanyang General Audience sa St. Peter’s Square nitong Miyerkules, October 7, binigyang-diin ng Santo Papa na bahagi ng misyon ng Simbahan ang pagtataguyod ng katarungan, kapayapaan at pagkakapatiran, bilang pagtupad sa misyon at pagsasabuhay ng pananampalataya.
“The believer cannot accept the oppression of the weak and the poor, nor the unjust structures that perpetuate conditions of dependence and injustice,” ayon kay Pope Leo XIV.
Paliwanag ng punong pastol na bagama’t nakikibahagi ang Simbahan sa pagbuo ng lipunan ay hindi pangunahing pulitikal ang pamamaraan at layunin nito.
Sa halip ay mariing isinasabuhay ang pananampalataya at pag-ibig sa kapwa, kabilang na rin ang pagsusulong ng katarungan, kapayapaan, at pagkakapatiran.
Binigyang-diin ng Santo Papa ang pangangailangang maging tunay at kapani-paniwala ang pananampalataya sa pamamagitan ng konkretong pagkilos.
“The discrepancy between professed faith and daily life deserves to be counted among the more serious errors of our age,” aniya.
Samantala, nagbabala rin si Pope Leo laban sa “logic of profit at all costs” at sa pagmamanipula ng impormasyon na maaaring magsusulong lamang ng konsyumerismo o pamumuhay na nakatuon lamang sa pagkonsumo ng materyal na bagay.
Binigyang-diin ng Santo Papa na kailangang manatiling tapat ang Simbahan sa kabuuan ng mensahe ng Ebanghelyo at hindi ito dapat pahinain upang maging katanggap-tanggap sa mundo.
“It is certainly not by watering down the content or softening the demands that Christianity can be made attractive,” giit ni Pope Leo.
Ayon sa Santo Papa, ang misyon ng mga Kristiyano ay patuloy na isabuhay ang pananampalataya lalo na sa pamamagitan ng pamumuhay sa kabanalan at pagmamahal sa kapwa, upang maging kapani-paniwalang saksi ng pag-asa ang Simbahan sa mundo.




