609 total reads
Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga mananampalataya na magtiwala sa Diyos, manaig sa pangamba at magkaisa sa muling pagtatayo ng Mary Comforter of the Afflicted Parish sa Maricaban, Pasay City.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa groundbreaking ceremony na kaniyang pinangunahan para sa bagong simbahan, matapos gibain ang dating estruktura dahil sa mga usaping pangkaligtasan at structural concerns.
Sa kaniyang pagninilay, sinabi ni Cardinal Advincula na bagamat isa ang parokya sa pinakamaliliit sa Arkidiyosesis ng Maynila, hindi maliit ang pangarap ng Diyos para sa kanilang pamayanan.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maayos na pagpaplano at tapat na paggamit ng mga donasyon sa harap ng mga hamon sa pangangalap ng pondo at pagpapatayo ng simbahan.
Iginiit din ng arsobispo na higit sa pagtatayo ng pisikal na estruktura, dapat maging tahanan ng mga nangangailangan ng pag-asa, kanlungan ng mga nagdadalamhati at lugar ng pagtanggap sa kapwa ang bagong simbahan.
““Maaaring maliit ang ating pamayanan, ngunit hindi maliit ang pangarap ng Diyos para sa atin. Hindi kailangang mayaman tayo upang magsimula. Kailangan lamang nating magtiwala sa Diyos at makiisa sa Kanyang gawain. Ang pananampalataya ay hindi kawalan ng problema; ito ay pagtitiwala na hindi tayo nag-iisa sa pagharap sa mga problema. Ang simbahang ito ay dapat itayo sa lupa, ngunit dapat nakatayo din ito sa pananampalataya, pagkakaisa at pag-ibig,” ayon sa pagninilay ni Cardinal Advincula.
Samantala, hinikayat ni Fr. Jeffrey Jamias, kura paroko ng Mary Comforter of the Afflicted Parish, ang mga mananampalataya na makiisa sa muling pagtatayo ng simbahan upang maibalik ang isang permanenteng lugar para sa mga pagdiriwang ng mga sakramento at pagtitipon ng pamayanan.
Ayon kay Fr. Jamias, nagsilbing hudyat ang groundbreaking ceremony ng nalalapit na pagpapatayo ng bagong simbahan, bagamat wala pang tiyak na petsa ng pagsisimula ng konstruksiyon.
Sa kasalukuyan, idinaraos ang mga misa sa mga kapilya at barangay, habang pansamantalang nasa inuupahang bahay ang tanggapan at tuluyan ng pari.
““Kaya po minabuti po namin para sa kabutihan ng lahat ay ipademolish ito at magpapatayo po ng panibagong simbahan dito sa Maricaban. Itong groundbreaking ceremony ay isa pong hudyat na nalalapit na po ang pagpapatayo ng simbahan. Talagang hinahangad namin na magkaroon ng panibagong simbahan para lahat ng mga pagdiriwang ng mga sakramento at ugnayan ng mga tao sa simbahan at sa parokya ay maging sentro po dito. Pinakamahalaga po ang safety para sa lahat ng mga mananampalataya. Hinihikayat ko po kayo na kapag naitayo ito ay malugod kayong bumisita sa panibagong ganda ng aming parokya at simbahan,” ayon naman sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Jamias.
Kabilang sa mga planong pasilidad ng bagong simbahan ang function hall, conference hall, mas maayos na tanggapan at parking space. Isinasaalang-alang din ang paglalagay ng air-conditioning system at paggamit ng solar energy.
Kaugnay naman ito ng ensiklikal na Fratelli Tutti ni Pope Francis, na nagbibigay-diin sa pagkakapatiran, pagkakaisa at sama-samang pagkilos para sa kabutihan ng pamayanan.
Itinatag noong Hulyo 13, 1992, ang Mary Comforter of the Afflicted Parish ay naglalayong magkaroon ng mas ligtas at maayos na tahanan ng pananampalataya para sa mga mananampalataya sa Maricaban, Pasay City.




