3,580 total reads
Nanawagan si Pope Leo XIV kay Russian President Vladimir Putin na magpatupad ng tigil-putukan sa lungsod ng Oleshky sa rehiyon ng Kherson, Ukraine, upang maihatid ang kinakailangang tulong sa mga sibilyang apektado ng digmaan.
Sa kanilang pag-uusap sa telepono nitong Biyernes, nagpahayag ang Santo Papa ng matinding pagkabahala sa lumalalang kalagayan ng mga tao sa lungsod, na nasa lugar ng labanan at nasa ilalim ng pamamahala ng Russia.
“During the conversation, the Holy Father expressed his deep concern about the grave humanitarian situation in the city of Oleshky, in the Kherson region, and called for a ceasefire to allow the delivery of food and medical assistance, and the voluntary and safe evacuation of the civilian population,” ayon sa pahayag ng Holy See.
Hiniling ni Pope Leo na pahintulutan ang pagpasok ng pagkain at mga suplay medikal, gayundin ang boluntaryo at ligtas na paglikas ng mga sibilyang nais umalis sa lugar.
Ayon kay Vatican Secretary of State Cardinal Pietro Parolin, mismong ang Santo Papa ang nagpasimula ng pag-uusap upang ipanawagan ang agarang tulong para sa tinatayang dalawang libong sibilyang nangangailangan ng ligtas na daanan palabas ng lungsod.
Muling iginiit ni Pope Leo ang paninindigan ng Vatican na isulong ang diyalogo at kapayapaan sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan.
Ang panawagan ay ginawa habang nagpapagaling ang Santo Papa sa Gemelli Hospital sa Roma, matapos sumailalim sa operasyon noong Martes para alisin ang ibabang bahagi ng kanyang kanang baga.




