1,197 total reads
Muling tumaas ang bilang ng mga paring Katoliko sa buong mundo makaraan ang limang taon, batay sa pinakahuling ulat ng Vatican news agency na Fides, kaugnay ng pagdiriwang ng ika-100 World Mission Sunday ngayong October 18.
Ayon sa report, umabot sa 407,421 ang bilang ng mga pari sa buong mundo noong Disyembre 31, 2024, mas mataas ng 425 kumpara sa nakaraang taon.
Pinakamalaki ang naitalang pagdami sa Africa na may karagdagang 1,676 pari, sinundan ng Asia na may 1,065. Muli ring nagtala ng pagtaas ng bilang sa Americas na may 199 na dagdag na pari.
Samantala, bumaba naman ang bilang ng mga pari sa Europe nang 2,483, habang 32 naman ang ibinawas sa Oceania.
Sa kabila ng pagdami ng mga pari, tumaas din ang bilang ng mga Katolikong umaasa sa bawat pari, na umabot sa average na 3,491. Ipinapakita nito ang patuloy na pangangailangan sa mga lingkod ng Simbahan habang dumarami ang mga mananampalataya.
Batay rin sa ulat, umabot sa mahigit 1.422 bilyon ang bilang ng mga Katoliko sa buong mundo noong kalagitnaan ng 2024, katumbas ng 17.8 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Pinakamalaki ang pagdami ng mga Katoliko sa Africa, na sinundan ng Americas.
Gayunman, patuloy namang bumababa ang bilang ng mga seminarista o mga naghahanda sa pagpapari.
Sa tala, umabot lamang sa 103,604 ang major seminarians sa buong mundo, mas mababa nang 2,891 kumpara sa naunang tala.
Ang Africa lamang ang kontinente na nakapagtala ng pagtaas sa bilang ng mga major seminarians, habang pinakamalaki ang ibinaba sa Asia.




