1,143 total reads
Pinalalawak ng Pag-IBIG Fund ang pagpipilian ng mga condominium unit na maaaring bilhin ng mga kwalipikadong miyembro sa pamamagitan ng abot-kayang housing loan, kasunod ng pakikipagkasundo nito sa property developer na DMCI Homes.
Sa ilalim ng partnership, maglalaan ang DMCI Homes ng mga piling residential unit, kabilang ang mga ready-for-occupancy o maaari nang tirhan, na maaaring ialok sa mga miyembro sa mas paborableng presyo at may iba pang insentibo.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, inaasahang aabot sa 3,990 condominium unit ang maaaring ialok sa mga miyembro kapag nakumpleto na ang kinakailangang akreditasyon ng mga proyekto.
Maaari ring makinabang ang mga kwalipikadong miyembro sa housing loan promotional rates na 4.5 at 5.75 porsiyento kada taon, upang mas mapalapit sila sa pagkakaroon ng sariling tahanang pasok sa kanilang pangangailangan at kakayahang pinansiyal.
Kabilang sa mga proyektong unang na-accredit ang Anissa Heights sa Pasay City. Isinasailalim naman sa akreditasyon ang iba pang proyekto sa Metro Manila, Bacoor City at Davao City.
Bahagi ang kasunduan ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o Expanded 4PH Program ng administrasyong Marcos, na naglalayong palawakin ang access ng mga Pilipino sa disente at abot-kayang pabahay.
Kaugnay nito, binibigyang-diin ng panlipunang aral ng Simbahang Katolika, kabilang ang ensiklikal na Rerum Novarum ni Pope Leo XIII, ang kahalagahan ng makatarungang kalagayan sa pamumuhay at pangangalaga sa kapakanan ng mga manggagawa at kanilang pamilya.
Samantala, inaanyayahan ang mga interesadong homebuyer na dumalo sa 2nd National Housing Expo sa SMX Convention Center Manila sa Pasay City ngayong Oktubre 19 hanggang 20. Mahigit 80 developer ang inaasahang mag-aalok ng iba’t ibang opsiyon sa pabahay at tulong sa pag-aaplay para sa Pag-IBIG Housing Loan.




