1,492 total reads
Ipinaliwanag ni Rev. Fr. Gregory Ramon Gaston, Rector ng Pontificio Collegio Filipino sa Roma ang bagong tungkulin ni Cardinal Luis Antonio Tagle bilang Dean ng College of Cardinals.
Sa kanyang ulat bilang Vatican Correspondent ng Radio Veritas, tinalakay ni Fr. Gaston ang kahalagahan ng bagong responsibilidad na ipinagkatiwala kay Cardinal Tagle na isang tungkuling inaprubahan ni Pope Leo XIV matapos ang halalan ng mga kardinal noong Oktubre 8, 2026.
Ayon kay Fr. Gaston, maaaring mapagkamalan ng ilan na ang College of Cardinals ay isang paaralan o unibersidad, gaya ng karaniwang pagkaunawa sa salitang “college” sa Pilipinas.
Paliwanag ng Pari, ang College of Cardinals ay isang grupo ng mga kardinal na may mahalagang papel sa buhay at pamumuno ng Simbahang Katolika at may magkakaugnay na tungkulin sa pamamahala at buhay ng Simbahan.
“Hindi po, dito kasi sa Europe, ‘pag sinabi mong college, isang collection kumbaga, ‘no, pareho ‘yung root word na ‘yan sa Latin, college, collection, isang community o isang grupo ng mga tao with a certain function, with a certain role.” Ani Fr. Gaston.
Ipinaliwanag din ni Fr. Gaston ang pagkakaiba ng College of Cardinals sa Pontificio Collegio Filipino, kung saan naninirahan ang mga paring Pilipino na nag-aaral sa mga unibersidad sa Roma.
“Kasi collegio ay tahanan, tirahan ng mga kaparian natin. May formation din dito, ongoing formation, spiritual direction, mga retreats, recollection, kasi hindi siya college na kagaya diyan sa Philippines na tinatawag natin na college na eskwelahan, na paaralan, university. Hindi.” Paliwanag ni Fr. Gaston.
Sa ganitong paraan, nilinaw ni Fr. Gaston na ang College of Cardinals ay hindi institusyong pang-edukasyon kundi isang grupo ng mga kardinal na may mahalagang papel sa buhay at pamumuno ng Simbahang Katolika.
Pagbabahagi ng Pari, pangunahing tungkulin ng Dean ng College of Cardinals ang pag-uugnay sa mga kardinal at pangangasiwa sa ilang mahahalagang pagpupulong, lalo na kapag kinakailangang magtipon ang College of Cardinals.
“Ang Dean ay coordinator, coordinator. Kasi din sa mga school, ‘yung Dean siya nagkokoordinasyon ng mga professors. So ganun din, among the cardinals nagkokoordinasyon.” Dagdag pa ni Fr. Gaston.
Kabilang sa mahahalagang responsibilidad ng Dean ng College of Cardinals ang pagpupulong sa mga kardinal kapag nabakante ang Apostolic See at ang pangunguna sa proseso ng conclave, alinsunod sa mga tuntunin ng Simbahan.
Gayunman, nilinaw ni Fr. Gaston na hindi nangangahulugan ang pagiging Dean na may kapangyarihan ang isang kardinal na mag-utos sa kanyang mga kapwa cardinal, kung saan ang tungkulin ay higit na nakatuon sa paglilingkod at koordinasyon kaysa sa kapangyarihan o katanyagan.
Para kay Fr. Gaston, ang bagong tungkulin ni Cardinal Tagle ay pagkakataon upang higit na maipakita ang kahulugan ng pamumuno bilang paglilingkod sa Simbahan.
“Well, kung tutuusin, power, the power to serve, ‘no, the power to serve. Sana ‘yan ang laging nating ma-alala. At tayo din, kung may power tayo, hopefully the power to serve.” Ani Fr. Gaston.
Muli namang hinikayat ni Fr. Gaston ang mga mananampalataya na patuloy na samahan sa panalangin si Pope Leo XIV sa patuloy nitong ganap na pagpapagaling matapos na makalabas ng ospital kasunod ng kanyang matagumpay na operasyon sa baga noong October 13, 2026.




