1,622 total reads
Iginiit ni Cebu Archbishop Alberto Uy na kailangang paigtingin ng Simbahan ang paghubog sa konsensiya at pagpapahalaga sa mga mananampalataya, sa gitna ng krisis sa moralidad na nangangailangan ng mas malalim na espirituwal na paggabay.
Sa panayam ng Radyo Veritas sa ginanap na 2nd National Spiritual Direction Conference ng CHARIS Philippines sa One Tectona, Liloan, Cebu, sinabi ng arsobispo na hindi sapat ang kaalaman kung hindi ito nasasabayan ng wastong paghubog sa pagpapahalaga at konsensiya.
Ayon pa sa arsobispo, mahalagang palakasin ang papel ng mga spiritual director sa mga komunidad ng Catholic Charismatic Renewal.
“We see a lot of people who are not lacking in information but very much lacking in value formation,” pahayag ni Archbishop Uy sa Radyo Veritas.
Ayon sa arsobispo na kasalukuyang national spiritual adviser ng grupo, hindi lamang espirituwal na paggabay ang tungkulin ng mga spiritual director kundi hinikayat ding tumulong sa paghubog ng kaisipan ng mga mananampalataya upang tumibay ang kanilang batayan sa mga pagpapasya at pagkilos.
“Their function is not only to give spiritual guidance but also the formation of the consciences of people,” ayon pa sa arsobispo.
Sa kanyang homiliya sa pagtitipon, hinimok din ni Archbishop Uy ang mga spiritual director na huwag pabayaan ang sariling buhay-panalangin habang ginagabayan ang kawang ipinagkakatiwala sa kanilang pangangalaga.
“We can become very good at directing other people’s spiritual lives while neglecting our own,” babala ng arsobispo.
Binigyang-diin ng pastol na ang tunay na layunin ng spiritual direction ay tulungan ang mga mananampalatayang makilala at sundin ang tinig ng Diyos.
“We do not take the place of God’s voice. We help people recognize His voice,” aniya.
Hinikayat din ng arsobispo ang mga charismatic community na maging bukal ng mga bagong bokasyon sa pagpapari at sa buhay relihiyoso, sa pamamagitan ng paggabay at paghikayat sa mga kabataang tumugon sa panawagan ng Diyos.
“We are praying that from our small charismatic communities, there can be vocations to the priesthood and to religious life,” ayon pa sa arsobispo.
Umaasa si Archbishop Uy na sa pamamagitan ng mas matibay na espirituwal at values formation, makatutulong ang mga spiritual director sa paghubog ng konsensiya ng mga mananampalataya at sa paghahanda ng mga susunod na lingkod ng Simbahan at maging mga lider ng lipunan.
Dinaluhan ang pagtitipon ng mahigit 160 spiritual directors at lay leaders mula sa iba’t ibang diyosesis at komunidad sa bansa.
Tampok sa pagtitipon na magtatagal hanggang October 21 ang temang “Spirit-Filled Spiritual Direction: Listening, Discerning, and Accompanying in a Synodal Church.”




