1,484 total reads
Nanawagan si Atty. Sonny Matula, chairperson ng Nagkakaisang Koalisyon at national president ng Federation of Free Workers (FFW), sa gobyerno na pabilisin ang pagresolba sa mga kasong may kinalaman sa paggawa, matibay na proteksyon sa mga manggagawa at ipatupad ang makatarungang umento sa sahod.
Sa panayam kay Matula sa programang Baranggay Simbayanan ng Radyo Veritas, sinabi ni Matula na hindi dapat abutin ng lima hanggang sampung taon ang pagresolba sa mga usapin sa paggawa dahil sa mabagal na paglilitis.
Iginiit din ni Matula na hindi dapat agad ituring na sanhi ng inflation ang katamtamang umento sa sahod, dahil ginagamit ng mga manggagawa ang kanilang kita sa pagbili ng mga pangunahing pangangailangan sa bansa, na nakatutulong sa pag-ikot ng ekonomiya.
Hinimok ni Matula ang mga employer at manggagawa na pag-usapan ang mga hakbang para sa kaligtasan sa trabaho, lalo na sa matinding init na nararanasan ng mga construction worker, na nanganganib sa heat stroke,
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang mag-organisa ang mga manggagawa upang sama-samang maisulong ang kanilang mga hinaing at karapatan.
Umaasa rin si Matula sa mabilis na pagpapasya ng Korte Suprema sa mga usaping may kinalaman sa mga wage order, upang maiwasan ang matagal na kawalan ng katiyakan sa pagpapatupad ng umento sa sahod.
Samantala, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at pag-oorganisa ng mga manggagawa, kabilang ang mga platform worker na kinikilalang regular na empleyado sa ilang desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC), sa halip na ituring lamang na mga independent contractor.
Bininigyan diin sa ensiklikal na Laborem Exercens ni Pope John Paul II ang dignidad ng paggawa at sa karapatan ng mga manggagawa sa makatarungang sahod, ligtas na kondisyon sa trabaho at paggalang sa kanilang mga karapatan.




