1,048 total reads
Hinamon ng Autism Society Philippines ang pamahalaan na mahigpit na pagpapatupad ng mga batas na nagpoprotekta sa karapatan at dignidad ng persons with disabilities (PWDs), kasunod ng mga insidente ng pangungutya at pang-iinsulto sa mga taong may kapansanan.
Sa panayam sa Veritas Pilipinas, ipinaliwanag ni Mona Magno-Veluz, national spokesperson ng Autism Society Philippines, may mga probisyon sa Magna Carta of Persons with Disabilities na nagpaparusa sa pang-iinsulto o pangungutya sa isang tao gamit ang kaniyang kapansanan.
Ayon kay Magno-Veluz, maaari ring dumulog sa kinauukulang awtoridad ang mga biktima ng pambu-bully sa paaralan o trabaho kung hindi maresolba ang usapin sa pamamagitan ng mga umiiral na proseso sa institusyon.
Binigyang-diin niyang hindi lamang usapin ng pagpapatawad o pakikipagkasundo ang pananagutan ng mga lumalabag, kundi pagkilala rin sa pagkakamali at pagsunod sa batas.
Samantala, isinusulong ng kanilang organisasyon ang mas malawak na suporta para sa mga taong may autism, kabilang ang libreng therapy at mga serbisyong pang-interbensiyon, gayundin ang pangmatagalang pangangalaga sa mga nasa hustong gulang na.
‘“Ito po ay isang acknowledgement na meron kang ginawang mali that is against the law. Hindi na po ito base sa kung pinatawad ka ng taong na-offend mo. Ito po ay pagsunod na sa batas. Hindi po ito tungkol lamang sa reconciliation at pagiging forgiving.,’ ayon sa panayam kay Magno-Veluz sa programang Veritas Pilipinas.
Ayon kay Magno-Veluz, bagama’t mahalaga ang mga umiiral na batas, kailangan pa ring tugunan ang mga kakulangan sa serbisyo ng pamahalaan, lalo na para sa mga taong may autism na nangangailangan ng suporta kahit wala na ang kanilang mga magulang.
Sinasabi ng Corinthians 12:12–26: Ang Simbahan tulad ng katawan ng tao ay mayroong magkakaibang parte at naka-desenyo upang pagsilbihan ang katawang tao. Mayroong parte sa katawan ng bawat tao na mahina, hindi akma sa standard ng iba ngunit ay binibigyan ng special honor ng panginoon.




