833 total reads
Nanawagan ang Dapat Isa Lang Movement sa mga Pilipino na makilahok sa pagsusulong ng isang tunay na Anti-Political Dynasty Law sa pamamagitan ng People’s Initiative, kasunod ng kanilang kampanya laban sa patuloy na paghawak ng magkakamag-anak sa mga posisyong pampubliko.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Atty. Eirene Aguila, co-convener ng Dapat Isa Lang Movement, na binubuo ang kilusan ng mga ordinaryong mamamayan mula sa iba’t ibang sektor mula sa kabataan at senior citizens hanggang mga negosyante, maybahay, miyembro ng simbahan at civil society organizations.
“Merong mga kabataan, mula kabataan hanggang sa mga senior citizens, business owner, tapos hanggang sa mga housewives, mga tao sa simbahan, mga tao sa iba’t ibang NGOs, mga ordinaryong mga mamamayan, na pagod na sa tinatawag nating political dynasties,” Bahagi ng pahayag ni Aguila sa Radyo Veritas.
Ayon sa kilusan, layunin nitong gamitin ang People’s Initiative bilang mekanismong nakapaloob sa Konstitusyon upang ang mga mamamayan mismo ang magpanukala ng batas laban sa political dynasties.
Ang kanilang kasalukuyang online petition ay naglalayong magpatupad ng Anti-Political Dynasty Act na sasaklaw sa mga magkakamag-anak hanggang ikaapat na civil degree.
Binigyang-diin ni Aguila na malinaw umano sa 1987 Constitution ang prinsipyo ng equal access to opportunities for public service at ang pagbabawal sa political dynasties.
“Ang una po, equal opportunity po, equal access. ’Yun ang sinasabi po ng ating Saligang Batas. Ibig sabihin, kahit sino ang nais mangarap, tumakbo at magsilbi, dapat kaya niyang tumakbo at magsilbi sa bayan,” Dagdag pa ni Aguila.
Ayon kay Aguila, nakasaad din sa Konstitusyon na dapat magpatupad ang Kongreso ng batas na magbibigay-kahulugan at magbabawal sa political dynasties.
“Pero klaro po sa ating Saligang Batas na should be prohibited po ang political dynasty,” Ayon pa kay Aguila.
IIginiit din ni Aguila na matagal nang hinihintay ang naturang batas, kaya nais ng kanilang grupo na magkaroon ng direktang partisipasyon ang mga mamamayan sa proseso.
“Medyo masyado na tayong matagal na nag-aantay ng 39 years, ’di ba? At gaya nga ng nasabi, napakaraming salot po ang dudulot ng political dynasty sa ating bayan. Bigyan naman natin ng pagkakataon ’yung ating bayan na huminga. Baka tayo na mismo ang gumawa nitong batas na ’to.” Ani Aguila.
Online petition at responsableng paglahok
Ipinaliwanag din ni Aguila ang paggamit ng digital platform sa pangangalap ng mga lagda na ginawa upang maging mas ligtas at mas madaling ma-access ng mga mamamayan ang People’s Initiative.
“Hanggang ngayon, hinihikayat po natin ’yung mga mamamayan na panoorin, meron naman pong tutorial video na nilabas si Justice Carpio,” Ayon pa kay Aguila.
Maaari rin aniyang gamitin ng mga interesado ang QR code o bisitahin ang opisyal na website upang mabasa muna nang buo ang petisyon bago pumirma kung saan sa mismong Dapat Isa Lang platform, hinihikayat din ang mga petitioner na basahin nang buo ang dokumento bago maging co-petitioner.
Binigyang-diin din ni Aguila na mahalagang maunawaan muna ng isang mamamayan ang kaniyang nilalagdaan.
“Naniniwala po tayo, katulad na lang po nung sabi sa CBCP Pastoral Letter, na kailangan na nating inform ang ating mga mamamayan, hindi lamang ito sapilitang pagpipirma… Para makita po kasi tayo po mismo ’yung magiging, para po tayong congressman, tayo ’yung gagawa ng batas, tayong lahat, ’no? So, kailangan alam po natin kung ano ’yung nilalagdaan natin.” Ani Aguila.
Sa kasalukuyang People’s Initiative proposal, kailangang makamit ang itinakdang constitutional at statutory requirements para sa mga lagda, kabilang ang suporta ng hindi bababa sa 10 porsiyento ng lahat ng rehistradong botante sa buong bansa at hindi bababa sa 3 porsiyento sa bawat legislative district.
Sa pananaw naman ng Simbahan, ang usapin ng political dynasties ay usapin din ng common good, equal access sa paglilingkod-bayan, pananagutan at aktibong pakikilahok.




