1,797 total reads
Kinuwestiyon ng commuter group ang planong pagsasapribado ng operasyon at maintenance ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Iginiit ng PARA Commuter’s Network na dapat manatili sa pamahalaan ang responsibilidad sa pagpapatakbo ng pampublikong transportasyon at paggamit ng pondo ng bayan para sa kapakanan ng mga pasahero.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Nanoy Rafael, convener ng PARA Commuter’s Network, hindi nangangahulugan ng mas mahusay na serbisyo ang paglipat ng operasyon sa pribadong sektor, lalo na kung tubo ang magiging pangunahing konsiderasyon ng operator.
“Sa tingin namin, ang privatization ay ang sukdulan talaga ng pagpapabaya ng gobyerno sa responsibilidad nito,” ayon kay Rafael.
Giit niya, dapat suriin kung may sapat na pondong maaaring ilaan ang pamahalaan upang mapahusay ang operasyon ng MRT-3, sa halip na ipasa sa pribadong kumpanya ang pamamahala nito.
Ayon pa sa PARA, mahalagang tiyaking ang kita mula sa pamasahe ay naibabalik sa pagpapabuti ng serbisyo, kabilang ang maintenance ng mga tren, pag-upgrade ng pasilidad at pagpapalawak ng kapasidad upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasahero.
Binanggit din ni Rafael ang mga naging problema sa serbisyo ng MRT-3 noong mga nakaraang taon, kabilang ang mga insidente ng pagkasira ng tren at pagkaantala ng biyahe.
Kinuwestiyon din niya ang dating kaayusan kung saan, ayon sa kanyang pahayag, nagbibigay ng subsidiya ang gobyerno upang matulungan ang pribadong operator na mabawi ang puhunan nito.
Para sa Rafael, dapat pag-aralan ang mga naging karanasan sa dating pamamahala ng tern bago muling ipagkatiwala sa pribadong sektor ang operasyon at maintenance nito.
Una ng inihayag ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsasapribado ng operasyon at maintenance ng MRT-3 sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP), na nagkakahalaga ng tinatayang ₱103.6 bilyon.
Target ng kagawaran na maipagkaloob ang concession contract sa 2027. Kabilang sa mga layunin ng panukala ang pagpapahusay sa pagiging maaasahan ng mga tren, pagpapaikli sa oras ng paghihintay at pagpapalawak ng kapasidad ng linya.
Ayon sa DOTr, mananatili sa pamahalaan ang pagmamay-ari ng MRT-3 at ang kapangyarihang magtakda ng pamasahe. Ang pribadong concessionaire naman ang inaasahang mamamahala sa operasyon at maintenance at mamumuhunan sa mga kinakailangang pagpapahusay.




