3,661 total reads
Hinimok ni Antipolo Bishop Ruperto Cruz Santos na siya ring Parish Priest ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage ang pamahalaan at publiko na maghanda nang may karunungan, disiplina at malasakit sa harap ng banta ng El Niño, kasabay ng panawagang huwag lamang mag-imbak ng tubig kundi tiyakin din ang wastong pagpaplano at pangangalaga sa mga pinagkukunan nito.
Sa kanyang pastoral na paalala at pagninilay na may titulong “Bukod sa Balde, Gamitin ang Kukote,” binigyang-diin ng Obispo na hindi sapat ang pagbili ng mga balde, drum, at iba pang lalagyan ng tubig upang matugunan ang posibleng kakulangan sa suplay.
“Hindi balde ang solusyon sa lahat; kailangan ng plano, disiplina, at malasakit!” Bahagi ng pahayag ni Bishop Santos.
Ayon sa Obispo, maaaring maapektuhan ng matagal na tagtuyot hindi lamang ang suplay ng tubig kundi maging ang kabuhayan ng mga magsasaka, produksyon ng pagkain, kalusugan ng mga bata at matatanda, at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga pamilya.
Binigyang-diin din ni Bishop Santos na pangunahing pananagutan ng pamahalaan ang maagap na paghahanda, kabilang ang pagtiyak sa sapat na suplay ng tubig, pagkukumpuni ng mga sirang tubo at tagas, pangangalaga sa mga dam at watershed, at paghahanda ng alternatibong pinagkukunan ng tubig.
Hinimok din ng Obispo ang mga kinauukulan na magkaroon ng malinaw at makatarungang sistema ng pamamahagi ng tubig, gayundin ng konkretong tulong para sa mga magsasaka, mangingisda at mahihirap na komunidad na higit na maaapektuhan ng tagtuyot.
“Ang paghahanda ay hindi dapat nagsisimula kapag wala nang tubig sa gripo. Ang mahusay na pamamahala ay hindi naghihintay na mauhaw ang bayan bago maghanap ng tubig,” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Samantala, pinaalalahanan din ni Bishop Santos ang publiko na may pananagutan din ang bawat mamamayan sa wastong paggamit ng tubig, sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga tumutulong gripo, pag-iwas sa pag-aaksaya, pag-iipon ng tubig-ulan kung ligtas at angkop, at muling paggamit ng tubig na maaari pang pakinabangan.
Binigyang-diin din ng Obispo na dapat ding iwasan ang labis na pag-iimbak na maaaring magdulot ng kakulangan ng supply sa ibang pamilya.
“Tandaan natin: ang tubig ay hindi lamang para sa atin. May kapwa tayong nangangailangan nito—ang kapitbahay, ang maysakit, ang matatanda, ang mga bata, at ang mga pamilyang walang kakayahang bumili ng maraming lalagyan o mag-imbak ng maraming suplay,” Ayon pa kay Bishop Santos.
Dagdag pa ng Obispo, sa panahon ng kakulangan, mahalagang manaig ang pagkakaisa at malasakit sa halip na pansariling interes.
Iginiit din ni Bishop Santos ang pananagutan ng lahat sa pangangalaga sa kalikasan, partikular sa mga ilog, sapa, kagubatan, watershed at iba pang likas na pinagkukunan ng tubig.
“Ang tubig ay biyaya ng Diyos, ngunit biyayang may kaakibat na pananagutan,” Paalala ni Bishop Santos.
Aniya, hindi maaaring ipagwalang-bahala ang pagkasira ng mga likas na pinagkukunan ng tubig at saka lamang kikilos kapag nararanasan na ang kakulangan.
“Hindi natin maaaring hingin sa Diyos na pagpalain ang ating mga bukal habang hinahayaan naman nating sirain ang mga ito. Ang panalangin ay dapat humantong sa pagkilos; ang pananampalataya ay dapat makita sa ating pangangalaga sa sangnilikha,” Ani Bishop Santos.
Bilang gabay sa paghahanda, inilatag ng Obispo ang tatlong panawagan ang manalangin nang may pananampalataya, maghanda nang may karunungan, at kumilos nang may malasakit.
“Hindi natin kontrolado ang panahon, ngunit may pananagutan tayo sa paraan ng ating paghahanda,” Ayon pa kay Bishop Santos.
Binigyang-diin din ng Obispo na hindi dapat ihiwalay ang panalangin sa konkretong pagkilos, lalo na sa pagharap sa mga suliraning may epekto sa buhay at kapakanan ng lahat.
Samantala, hinikayat din ni Bishop Santos ang pamahalaan na magplano at kumilos nang maagap; ang mga mamamayan na magtipid at umiwas sa pag-aaksaya; at ang lahat na pangalagaan ang kalikasan at ibahagi nang makatarungan ang mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos.
“Ang tunay na kahandaan ay hindi nasusukat sa dami ng ating balde kundi sa talino ng ating pagpaplano, disiplina ng ating pagkilos, at lawak ng ating malasakit,” Paliwanag ni Bishop Santos.
Kalakip ng pastoral na paalala ni Bishop Santos ang Panalangin para sa Panahon ng El Niño, na humihiling ng karunungan para sa mga pinuno, disiplina para sa mga mamamayan, at higit na kamalayan sa pangangalaga sa sangnilikha.
Sa pamamagitan ng panawagan, binibigyang-diin ng Simbahan na ang pangangalaga sa tubig at kalikasan ay hindi lamang usapin ng paghahanda sa sakuna kundi bahagi rin ng pananagutang Kristiyano na maging mabubuting katiwala ng mga biyayang ipinagkatiwala ng Diyos sa sangkatauhan.
Panalangin para sa Panahon ng El Niño
Ama naming mapagmahal at bukal ng lahat ng biyaya,
Nagpapasalamat kami sa Iyo sa kaloob Mong tubig na nagbibigay-buhay sa tao, hayop, halaman, at buong sangnilikha.
Sa bawat patak nito ay nararanasan namin ang Iyong kabutihan at pagkalinga.
Sa panahong kami ay nahaharap sa banta ng matinding init at tagtuyot dulot ng El Niño, lumalapit kami sa Iyo nang may pagtitiwala.
Patnubayan Mo kami upang hindi lamang kami matutong mag-ipon ng tubig, kundi maging mabubuting katiwala ng Iyong mga biyaya.
Bigyan Mo ng karunungan ang aming mga pinuno upang sila ay makapagplano nang maayos, makakilos nang maagap, at makapaglingkod nang may katapatan para sa kapakanan ng lahat.
Bigyan Mo naman kaming mga mamamayan ng disiplina at pananagutan upang magamit nang wasto ang tubig, maiwasan ang pag-aaksaya, at maisabuhay ang malasakit sa aming kapwa, lalo na sa mga higit na nangangailangan.
Pukawin Mo rin ang aming kamalayan upang pangalagaan ang kalikasang Iyong ipinagkatiwala sa amin.
Nawa’y maprotektahan namin ang mga ilog, lawa, bukal, kagubatan, at mga watershed na pinagmumulan ng tubig at buhay.
Panginoon, turuan Mo kaming pagsamahin ang panalangin at pagkilos; ang pananampalataya at pananagutan; ang pag-asa at pagsisikap.
Huwag Mo kaming hayaang umasa lamang sa mga lalagyan ng tubig, kundi gamitin din ang isip at pusong Iyong pinagkaloob sa amin upang makagawa ng matalinong pasya para sa kabutihan ng lahat.
Sa gitna ng init at kakulangan, gawin Mo kaming mga daluyan ng Iyong malasakit, pagkakaisa, at pag-asa.
Ito ang aming dalangin sa pamamagitan ni Hesukristo, na siyang Bukal ng Tubig na Buhay, kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.
Amen.




